Paano naging makapangyarihan si Cayamora, tatay ng mga 'terorista'?

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 06:43 PM | Updated as of Aug 28 2017 10:41 PM

Nang maaresto si Cayamora Maute noong Hunyo sa Davao City, nagkaroon ng mukha ang itinuturing na ama ng Maute group. 

Si Cayamora ang tatay ng magkapatid na Omarkhayam at Abdullah Maute na itinuturong mga lider ng teroristang grupong umatake sa Marawi City. Namatay ito nitong Linggo. 

Sa pagkakaaresto ni Cayamora nitong Hunyo, nakita ng publiko ang isang matandang sakitin, sa halip na isang mabagsik na terorista o kalaban ng gobyerno. 

Ayon sa militar, nagkaroon ng kakayahan si Cayamora na pondohan ang Maute group dahil isa siyang mayamang inhinyero.

Kuwento naman ng kababayan ni Cayamora at assemblyman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Zia Alonto Adiong, sa kompanya ng magulang niyang Adiong Construction o "AdiCon" nagsimula ang karera ni Cayamora bilang engineer.

Pero sa Saudi Arabia na naging big-timer si Cayamora na nakatrabaho pa rin ng magulang ni Adiong.

Hindi umano nakilala ng pamilya nila si Cayamora bilang isang marahas na tao.

Sa documentary ng ABS-CBN News and Current Affairs na "'Di Ka Pasisiil", sinasabi ng ilang kababayan ng pamilya Maute sa bayan ng Butig, Lanao del Sur na si Cayamora ang nagsilbing recruiter ng Maute group.

Pag-aaral umano ng Quran ang pang-akit ni Cayamora sa mga magulang ng batang nire-recruit.

Libing ayon sa kaugaliang Islam

Alinsunod sa kaugaliang Islam, agad inilibing ang labi ni Cayamora Maute na pumanaw nitong Linggo, Agosto 27.

Inilagak ang kaniyang labi sa sementeryong pag-aari ni Abdul Aziz o Robin Padilla sa Norzagaray, Bulacan.

Bago inilibing, dinala muna sa Golden Mosque sa Quiapo ang labi ni Cayamora.

Idineklarang 'dead on arrival' ang 64 anyos na si Cayamora nang isugod sa ospital matapos idaing ang kaniyang panghihina at hirap sa paghinga.

Bago pa man maaresto noong Hunyo, iniinda na ni Cayamora ang mga sakit na diabetes, hypertension, pneumonia, at viral hepatitis.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nang pumanaw si Cayamora, dinala ang labi niya sa kaniyang asawang si Farhana Maute na nakakulong din sa Camp Bagong Diwa.

Iyak daw nang iyak si Farhana nang makita ang labi ng asawa.

Inalok ng BJMP ang pamilya Maute na ipa-autopsy ang bangkay ni Cayamora, pero tumanggi sila dahil bawal ito sa mga Muslim.

Mahigpit na seguridad kontra banta ng pag-atake

Mas pinaigting ang seguridad sa Davao City kasunod ng pagkasawi ni Cayamora.

Hinigpitan lalo ang pag-iinspeksiyon sa checkpoints at maging sa mga terminal kontra sa banta ng pag-atake ng mga naiwang miyembro ng Maute.

Sa Davao City kasi naaresto si Cayamora nitong Hunyo nang dumaan ang van na sinasakyan niya sa isang checkpoint doon.

Una nang iniulat na pinopondohan ng mag-asawang Cayamora at Farhana ang operasyon ng Maute Group na tatlong buwan nang nakikipagbakbakan sa militar sa Marawi.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), malaking dagok sa Maute group ang pagkamatay ni Cayamora.

Posible rin daw gamiting propaganda ng kanilang kalaban sa Marawi ang pagkamatay ni Cayamora.

Nanghinayang din ang AFP sa pagpanaw ni Cayamora dahil marami pa umano sanang mapipigang impormasyon sa kaniya tungkol sa kilos ng mga terorista sa Marawi.

Dagdag pa ng AFP, sayang at hindi na mapapanagot si Cayamora ng mga pamilya ng mga naging biktima ng karahasan sa Marawi na naghahanap pa rin ng hustisya.

-- May ulat nina Jeff Canoy, Henry Atuelan, Jorge Cariño, at Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.