Fun run vs droga inilunsad ng Caloocan police

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 11:44 AM

MANILA - Nasa 400 pulis, tanod at estudyante ang lumahok sa inorganisang fun run ng Caloocan police na may temang "Run Away From Drugs" ngayong Lunes, 2 araw matapos ang libing ni Kian Delos Santos, teenager na napatay sa operasyon ng pulisya laban sa bawal na gamot.

Una nang iginiit ng mga pulis na nanlaban sa mga operatiba si Delos Santos kaya napaslang sa Barangay 160, Caloocan nitong Agosto 16. Taliwas ito sa pahayag ng ilang saksi na kinaladkad umano ng mga pulis ang Grade 11 student, binigyan ng baril at pinatakbo.

Pero diin ni SPO2 Art Magpugay, officer in charge ng Caloocan police community relations, walang kinalaman ang fun run sa pagkamatay ng binatilyo.

"Nakaplano na ito 2, 3 months ago. Iyung nangyari, may insidente, hayaan na lang natin kasi nakasampa na naman sa proper court. Hayaan na lang nating umusad ang hustisya doon," ani Magpugay.

Dagdag ng pulis, maituturing na selebrasyon ang fun run dahil drug-cleared na ang 7 sa 187 barangay sa Caloocan.

Lumahok sa okasyon si Senior Supt. Chito Bersaluna, na nasibak bilang hepe ng Caloocan police para mabigyan daan ang imbestigasyon sa pagkatay ni Delos Santos.

Sa pangunguna ni Bersaluna, tumakbo ang mga runner mula Caloocan Police District papunta sa Sangandaan sa A. Mabini Street, Tenth Avenue, Rizal Avenue, Monumento Circle at pabalik sa police station.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.