Duterte, nakipagkita sa mga magulang ni Kian

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 07:58 PM | Updated as of Aug 28 2017 11:02 PM

Nakipagkita si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magulang ni Kian Loyd delos Santos sa Malacañang Lunes ng hapon, ilang araw matapos na mailibing ang teenager na umano'y namatay sa isang operasyon ng mga pulis laban sa droga. 

Hindi pinahintulutan ang pagpasok ng media bagama't ayon sa video na kuha ni Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Mocha Uson na naka-post sa kaniyang Facebook page, makikitang kasama sa pagpupulong sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre III, Public Attorney's Office Chief Persida Rueda-Acosta, Violence Against Crime and Corruption president Dante Jimenez at si Special Assistant to the President Bong Go. 

"Bakit niyo pinatay 'yung bata?"

Diretsong tinanong naman ng isang testigo ang mga pulis sa nangyari kay delos Santos. 

"Bakit niyo pinatay 'yung bata?" Ito ang sinabi ng testigo na nagngangalang 'Choleng' sa kaniyang affidavit nang magkaroon siya ng pagkakataon na makausap ang isa sa mga pulis na diumano'y pumaslang kay delos Santos sa Caloocan City Agosto 16.

Ayon sa salaysay ni 'Choleng', hindi naman daw aniya itinanggi ng pulis ang pagpatay at sinabing nanlaban diumano ang 17 anyos.

Kinalaunan, nakilala niya ang pulis na si PO1 Jeremias Pineda.

Ina ni Kian, nanawagan sa mga pulis

Samantala, sa panayam ng mga magulang ni delos Santos sa ANC umaga ng Lunes, Agosto 28, iginiiit ng ina na dapat ay pinatunayan muna ng mga pulis na sangkot ang binata sa operasyon ng ilegal na droga.

"Naramdaman ko na parang magulang ka rin sana nu'ng nagmamakaawa ‘yong bata, parang binigyan naman muna nila (mga pulis) ng pagkakataon na ipaliwanag ‘yong side nu'ng anak ko, sumisigaw siya na may exam pa siya. Kung may pagkakasala sana, nilitis or dinala sa barangay, di ‘yong basta na lang nila papatayin bigla. Para magkaro’n siya ng rights na ipagtanggol ‘yong sarili niya," ani Lorenza, ina ni delos Santos. 

Sinabi sa testimonya ng mga pulis na nanlaban diumano ang binata at natagpuan pang may hawak ng baril sa kaliwang kamay matapos ang insidente.

Ikinuwento rin ng tatay ni delos Santos na si Saldy na pinipilit diumano ng mga pulis ang anak niya na magturo ng mga taong may kinalaman sa ilegal na droga. Pero walang alam ang kaniyang anak tungkol dito. 

Ipinaliwanag naman ni PAO chief Persida Rueda-Acosta, ang tumatayong legal counsel ng mga delos Santos, na sapat at handang-handa na ang kanilang mga ebidensiya para magsimula na ang preliminary investigation sa pagpatay kay delos Santos.

"Kumpleto 'tong ating ebidensiya na puwede nang mag-start ang investigation and other witnesses may follow," sabi ni Acosta.

Bukod pa sa CCTV na nakakuha sa pagkaladkad kay delos Santos ay mayroon pa raw silang pinoprosesong ebidensiya mula sa cellphone ng isa mga testigo, ani Acosta. 

Anim na testigo ng PAO, dalawa ang eyewitness

Ayon kay Acosta, sa anim na hawak nilang testigo, dalawa aniya ang eyewitness at tumutugma ang kanilang testimonya sa testimoniya ng mga 'bata' na nasa kustodiya ni Sen. Risa Hontiveros.

Kuwento rin ng nanay ni delos Santos na lumapit na sa kaniya ang lalaking nakita sa CCTV noong nakaburol ang anak at sinabing: ‘Ate, kilala namin 'yong mga pulis at kilala namin na si Kian 'yong kinakaladlad kaya lang nu'ng that time na 'yon tinakot kami ng mga pulis na huwag nang magsalita.'

Hiling din ni Acosta na ibigay sa kanila ang kustodiya ng mga testigong hawak ni Hontiveros upang ma-'consolidate' ang mga testimonya ng mga bata.

"[T]hat’s why si tatay (Saldy) nakiusap, [na] makuha sana ng PAO 'yong mga nasa custody ni Sen. Risa Hontiveros para ma-consolidate namin 'yong mga testimoniya nu'ng mga batang ‘yon at 'yong ating mga aktuwal na witnesses. Pero ang gusto ni Hontiveros na ipo- propound ang question kaharap diumano ang mga private counsels na in-assign nila at may child psychologist… Gusto namin independent taking... So for [the] purpose of filing a complaint… for the purpose of preliminary investigation, by the prosecutors, kumpleto na ‘yong naisampa namin," paliwanag ni Acosta.

Noong nakaraang linggo, pinasaringan ni Aguirre si Hontiveros tungkol sa paratang na diumano'y na-'brainwash' ang mga testigong nasa pangangalaga ng senadora habang hiniling naman ng senadora na dumistansiya si Aguirre sa kaso.

Humarap na sa Senate hearing ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa binata kasama ang mag-asawang delos Santos noong Huwebes, Agosto 24.

Sa ngayon, ayon sa mga magulang ni delos Santos, wala raw silang natatanggap na alok na iatras ang kaso laban sa mga pulis.

-- May ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.