Dating hepe ng pulis sa Albuera at Ozamiz, sa Iloilo ang punta

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 05:12 PM | Updated as of Aug 28 2017 10:37 PM

Sa Iloilo, ang lugar na tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na "most shabulized" na lungsod sa bansa, susunod na madedestino si Chief Inspector Jovie Espenido, ang naging hepe ng pulis sa mga lugar kung saan napatay ang dalawang mayor na idinadawit sa droga. 

Inanunsiyo ito ni Duterte sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng National Heroes Day sa Taguig City.

Sa lalawigan ng Iloilo, may ilang alkaldeng kasama sa 'narco list' ni Duterte. Kabilang na rito sina Jed Mabilog ng Iloilo City, Alex Centena ng Calinog, at Sigfredo Betita ng Carles.

Pero itinanggi naman ni Espenido na siya ang humiling kay Duterte na malipat siya sa Iloilo matapos madestino sa Albuera, Leyte, at Ozamiz City.

Giit pa ni Espinido, wala sa kanyang mga kamay ang desisyon sapagkat si Duterte ang magsasabi kung saan siya ililipat na lugar.

Biro ng pangulo, namatay ang mga alkalde ng Albuera, Leyte, at Ozamiz City nang madestino sa mga nasabing lugar si Espenido.

"You asked for the assignment sa Leyte, namatay ang mayor doon. You asked for another assignment sa Ozamiz, namatay ang mayor doon - si Parojinog. Ngayon gusto mo sa Iloilo kasi nga si [Jed] Mabilog has been identified as a protector," ani Duterte.

“Mabuhi kaya siya? (Will he remain alive?) Gusto ko nang tanungin kasi ako naman ang pagbibintangan. Ikaw ang nagbaril diyan tapos ako ang mapa-publish kung saan-saan,” ani Duterte. 

Si Espenido ang hepe ng Albuera police nang maaresto at mapatay noong Nobyembre 2016 sa isinagawang police operation ang alkalde na si Rolando Espinosa Sr. na sangkot umano sa droga.

Inilipat sa Ozamiz City si Espenido noong Disyembre 2016.

Matapos ang ilang buwan, napatay rin ang alkalde ng lungsod ng Ozamiz na si Reynaldo Parojinog Sr. at 15 iba pa sa isinagawang drug raid.

Itinanggi naman ni Espenido na mayroong irregularidad sa mga isinagawang drug raid. Aniya, mayroong koneksiyon sa illegal drug trade ang mga Parojinog.

Muli namang iginiit ng pangulo na dapat sumunod ang Philippine National Police sa 'rules of engagement'. 

Pero kapag nasa alanganin na umano ang kanilang buhay sa isang lehitimong police operation, marapat lang na ipagtanggol nila ang kanilang sarili dahil ayaw niyang nakakakita ng namamatay na pulis at sundalo habang nagtatrabaho.

Espenido, binigyang-parangal ng pangulo

Tumanggap naman ng Magalong Medal under the Order of Lapu-Lapu si Espenido sa selebrasyon ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City nitong Lunes, Agosto 28.

Ibinibigay ang Magalong Medal sa mga opisyal o tauhan ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na nagbigay ng kahanga-hangang serbisyo o may katangi-tanging kontribusyon sa tagumpay ng isang kampanya o adbokasiya ng presidente.

Maliban kay Espenido, pinarangalan din ng Kalasag Medal ang 129 militar na namatay sa bakbakan sa Marawi.

Inihahandog ang Kalasag Medal sa mga opisyal o tauhan ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na namatay bilang direktang resulta ng kanilang partisipasyon sa kampanya o adbokasiya ng presidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.