Bus driver na nakahagip sa sasakyan ng MMDA exec, sinuspende

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 10:18 PM

Suspendido at balik sa pagte-training sa Drivers' Academy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bus driver na nakahagip ng sasakyan ng general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kuwento ni MMDA General Manager Tim Orbos sa kanyang Facebook post, nagmamaneho siya sa EDSA northbound kahapon, Agosto 27, nang biglang mahagip ang kaniyang sasakyan ng isang humaharurot na bus na minamaneho ni Jundy Junio.

"Bigla na lang 'eto na 'yung bus na nasa tabi ko na kung hindi ko pa nga iniwas hindi lang 'tong side mirror ang matatamaan kundi 'yung sasakyan ko na talagang dikit na eh," aniya.

Sinenyasan ni Orbos ang driver ng bus para tumabi pero lalo pa itong umarangkada kaya hinabol niya ito at nang maunahan, hinarangan niya ang bus.

Ayon sa MMDA general manager, reaksiyon ng isang ordinaryong motorista ang ginawa niya.

"Kinausap ko 'yung driver, nagalit pa sa akin, ako daw ang may kasalanan. Unang-una sabi niya, 'ano ba ang problema mo?' Sabi ko, binangga mo ako. Ikaw ang bumangga sa akin. Ikaw 'yung pumunta sa lane ko so galit na galit na ako. Sabi ko nga ito sana ang panahon na hindi ka nasa gobyerno sana nakipag-away na lng ako. 'Yung misis ko kasi kasama ko kaya hindi ko p'wedeng ilabas 'yung init ng ulo ko," salaysay ni Orbos. 

Nakipagtalo pa si Junio kay Orbos pero nang makilala ng konduktor ang opisyal ng MMDA, nag-iba na ang tono ng driver.

"Noong una ina-argue pa rin niya na, 'wala ho akong kasalanan' until bandang huli sinabi niya na, 'maawa na po kayo, tao lang po ako, at nagtatrabaho lang, pasens'ya na kayo," kuwento ni Orbos sa isang Facebook post.

Kaya sinabihan ni Orbos ang driver na sa MMDA na magpaliwanag.

Tiniketan ang driver na si Junio at pinagse-seminar sa Drivers' Academy.

Ayon kay Orbos, may kasama pang anger management seminar si Junio, na kaagad sinuspinde ng Five Star bus company.

Papuntang Pangasinan ang minamanehong provincial bus ni Junio nang masangkot sa insidente.

Dahil sa Facebook post ni Orbos, marami rin ang nagpahayag ng kanilang mga reklamo sa ilang mga pasaway na driver.

Ipasisilip na rin ni Orbos sa Department of Transportation na aksiyunan na ang panukalang gawing regular na ang suwelduhan ng mga bus driver para hindi na makipagkarera sa daan.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.