4-day work week: Hati ang mga empleyado, tutol ang mga amo

Warren De Guzman, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 06:50 PM | Updated as of Aug 28 2017 10:44 PM

Ikinatuwa ng ilang manggagawa ang 'compressed work week' scheme na inaprubahan na sa Kamara.

Si Kerwin Villarico, trabahador sa isang car accessories shop sa Banawe, Quezon City, sang-ayon sa panukalang gawing apat na araw na lang, sa halip na lima o anim na araw kada linggo, ang kanilang trabaho. 

Pabor din siya kahit pa mas humaba ang oras niya sa trabaho kada araw.

Tingin ni Villarico, mas magkakaroon kasi siya ng oras para sa kaniyang pamilya.

Paliwanag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), maganda ang pagiging boluntaryo ng compressed work week.

Hindi na rin ito bago sa Pilipinas dahil noong dekada 90 pa ipinatutupad na ito ng ilang kompanya at employer.

Ayon pa sa TUCP, mahalagang mag-usap at magkasundo muna ang employer at mga empleyado bago ipatupad ang bagong work schedule.

Napakaluwag din daw ng panukalang batas na puwedeng may sariling schedule ang bawat departamento ng isang kompanya. 

Dapat ding tiyaking hindi mag-iiba ang suweldo ng manggagawa.

Pero aminado rin ang TUCP na hindi puwede ang ganitong set up na "flexitime" para sa lahat, tulad sa industriya ng manufacturing at retail.

Tutol naman sa compressed work week ang "Kilusang Mayo Uno" dahil maaari umanong abusuhin ng mga employer ang batas.

Tutol din sa panukala ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) kahit pa voluntary ito.

Paliwanag ng ECOP, hindi makabubuti sa mga empleyado ang 15 oras na trabaho kada araw dahil lalo silang mawawalan ng oras sa pamilya.

Nakatakda pang talakayin sa Senado ang kanilang magiging bersiyon nitong panukalang batas.

-- May ulat ni Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.