Bodega ng damit sa Davao City, tinupok ng apoy

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 05:19 PM

DAVAO CITY- Libo-libong stock ng ukay-ukay na damit ang natupok ng apoy sa bodegang kinalalagyan nito sa Barangay San Antonio, Davao City, Linggo ng umaga.

Maliban sa bodega, nadamay rin sa sunog ang katabi nitong bodega na may mga sitsirya, gayundin ang kisame ng building ng Holy Cross of Agdao at ang isa pang auto shop.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na may ilang minuto ring tumagal. Napag-alamang pag-aari ng isang Sherwin Namli ang nasunog na bodega.

Ayon kay Fire Inspector Salvador Flores ng Bureau of Fire Protection sa Davao, base sa kanilang record ay walang business permit ang bodega ni Namli. Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.