Trabahador sa itinatayong bodega sa Butuan, patay sa aksidente

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 12:05 AM

Patay ang construction worker na si Junie Espinosa matapos itong mahulog habang nagkakabit ng yero sa isang itinatatyong bodega nitong Sabado. May Diez, ABS-CBN News

BUTUAN CITY — Patay ang isang construction worker matapos itong mahulog habang nagtatrabaho sa itinatayong bodega sa Barangay Baan dito nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Junie Espinosa na nahulog habang nagkakabit ng yero sa itinitayong bodega na tinatayang hindi bababa sa 20 talampakan ang taas.

Ayon sa kasamahan nito na si Melchor Tranguia, magkatulong nilang ikinakabit ang yero at nakatungtong umano sila sa trusses at isa pang bakal nang biglang mahulog si Espinosa.

Dagdag pa ni Tranguia, hindi umano nila ikinabit ang harness sa kanilang katawan dahil sagabal umano ito para sa kanila.

Kinumpirma naman ng hepe ng Butuan City Police Station 1 na si Senior Inspector Paul Paden na walang foul play sa insidente batay sa imbestigasyon.

Nangako naman ng tulong ang roofing contractor para sa pamilya ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.