Biktima o kriminal? Pagpatay kay Kian delos Santos, siniyasat

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 02:30 PM

Naging laman ng mga balita ang pagpatay sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang Caloocan Philippine National Police (PNP) noong Agosto 16. 

Mariing pinabulaanan ni Saldy, ama ni Kian, ang akusasyon ng mga pulis na sangkot sa ilegal na droga ang binatilyo.

“'Yong anak ko napakabait no’n. Hindi nagbabarkada. Aral lang. ‘Yon lang trabaho niya, diyan siya nakaupo sa harap ng bahay namin,” banggit ni Saldy. “Siya ang katulong sa tindahan namin.”

Pangarap daw ni Kian na maging pulis pagkatapos ng pag-aaral.

“Isa nga pong nakakatuwa ay ang kanyang pangarap, na gaga-graduate siya ng Grade 12, ay mag-apply [siya] sa PMA (Philippine Military Academy) para maging ulirang pulis.”

Kuwento ni Saldy, nasa bahay raw siya ng isang kaibigan nang may matanggap na balita tungkol sa kanyang anak.

“Pinuntahan ako ng kapatid ko. ‘Nahuli ng pulis si Kian.’ Inasahan ko baka nabagansya lang. ‘Yon 'yung nasa utak ko. 8:30 [ng gabi] pa lang, eh menor de edad, ‘yon 'yong nasa isip ko kaya pinuntahan namin sa presinto.”

Dali-daling nagpunta si Saldy sa presinto pero hindi raw nila ito nahanap.

“May sumalubong na sa amin na, ‘Yong anak niyo binaril do’n sa tabing-ilog.’”

Labis raw ang hinagpis ni Saldy nang matagpuan si Kian.

“Hindi ako pinalapit kasi darating daw ang SOCO. Hinaharangan nila. Nakita ko nakalubog sa putikan. Nakataob. Siyempre masamang-masama. Syempre anak mo 'yun eh. Ang masaklap nilubog pa sa putikan. Patayin nila nang walang kamuwang-muwang. Masakit yun.”

“Nakataob siya, may hawak na baril. [Kalibre] 45 pa. Anak ko [right-handed]. Yung baril nasa kaliwa. Isipin na lang natin. Nag-aaral 'yung bata. Magsusukbit ka ng baril, suot mo pantulog, 'yung boxer [shorts]. Naka-boxer [shorts], maglalagay ka ng baril [na .45]? Ang laki-laki ng .45,” dagdag ni Saldy.

Pero base sa spot report ng Caloocan PNP, may mga nakuhang ebidensiya mula kay Kian.

“May nakuhang .45 caliber, 10 shells at may narekober na 10 grams sa katawan ni Kian,” ayon kay National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde.

Panoorin ang komprehensibong pag-uulat ng ABS-CBN SOCO tungkol sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos ngayong Sabado ng hapon, 4 p.m. pagkatapos ng Ipaglaban Mo! sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.