Baguio City, nabalot ng hamog dahil sa 'Jolina'

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 02:43 PM

BAGUIO - Nabalot ng makapal na hamog at nakaranas ng mahina hanggang katamtamang lakas ng ulan ang Baguio City Sabado ng umaga dala ng bagyong "Jolina" sa hilagang bahagi ng Luzon.

Ayon sa PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang ganitong lagay ng panahon hanggang Linggo ng umaga.

Nasa 35.8 millimeters ang sukat ng bumuhos na ulan sa Baguio mula alas-8 ng gabi noong Biyernes hanggang alas-8 ng umaga noong Sabado. Sinamahan ng 15 meters per second na lakas ng hangin ang ulan dito.

Biyernes ng gabi isinara ang Kennon Road para matiyak ang kaligtasan ng mga motorista. Bukod sa Kennon Road, isinara rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cordillera ang Kiangan-Tinoc-Buguias Boundary Road at Tabuk-Banaue Road.

Ngunit mula alas-9 ng umaga noong Sabado naman ay binawi na ang temporary suspension ng mga biyahe ng bus, at bukas na ang mga nabanggit na kalsada maliban sa Tabuk-Banaue Road Dumanay Section, Tanduan, Kalinga.

Isinara naman ang Banaue-Mayoyao-Alfonso Lista- Isabela Boundary Road sa Ifugao dahil sa kasalukuyang clearing operations bunsod ng bahagyang landslide sa Sitio Wanti, Upper Pitawan, Oong, Ifugao.

Dahil mahina lamang ang naranasang pag-ulan, walang residenteng pinalikas ng pamahalaan. Sa kabila nito, patuloy pa ring nakaalerto at nakaantabay ang mga response team, sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pagbuhos ng malakas na ulan at tumaas ang tubig sa mga bahaging madalas na nakakaranas ng pagbaha.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.