Babae, akmang tatalon sa footbridge sa Pasay, sinagip

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 03:54 PM

MANILA - Isang babaeng umakyat at akmang tatalon mula sa footbridge malapit sa LRT (Light Rail Transit) EDSA station sa Pasay City ang sinagip ng mga rescuer pasado alas-8 ng umaga Sabado.

Pasado alas-5:30 ng umaga nang may tumawag na isang concerned citizen sa Libertad Police Community Precinct tungkol sa babaeng ilang oras nang nakatayo sa mataas at alanganing bahagi ng foot bridge.

Agad naman umanong rumesponde ang mga pulis at mga fire rescue volunteer, ayon kay PO2 Rommel Gillamac ng Libertad PCP.

Isang inflatable airbag ang ipinuwesto sa ibaba upang saluhin siya kung sakaling mahulog. 

Nang panandaliang umupo ang babae, saka siya sinubukang hablutin ng mga rescuer, subalit nadulas siya mula sa pagkakahawak ng sumasagip kaya't nahulog siya sa airbag na nakapuwesto sa ibaba.

Agad naman siyang dinala sa Pasay City General Hospital.

Hindi pa matukoy kung bakit umakyat ang babae sa foot bridge dahil tumanggi pa rin itong magsalita sa mga awtoridad.-- may ulat ni Jojo Malig, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.