Sugatang pulis sa drug war, patuloy na nagpapagaling

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2016 06:01 PM

Binisita ni C/Supt. Elmer Cruz Beltejar si PO1 Nestor Villanueva Jr. na patuloy na nagpapangaling sa kaniyang mga natamong sugat sa gitna ng isang operasyon. Kuha ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News

TACLOBAN CITY - Kasalukuyang nagpapagaling sa Divine Word Hospital si PO1 Nestor Villanueva Jr., ang pulis na nasugatan sa kalagitnaan ng operasyon habang hinuhuli ang drug pusher na si Ernesto Gonzales.

Kasama ni PO1 Villanueva noon si PO1 Gary Cabaguing at ang ibang tropa na nagsagawa ng operasyon. Pinasok nila ang bahay ng suspek madaling araw noong Miyerkules sa Brgy. Logero ng Marabut, Samar.

Family of cop slain in drug war wants justice

Ayon sa imbestigasyon, habang papalapit ang mga pulis sa bahay ng suspek bitbit ang search warrant ay agad nakatunog si Gonzales at agad silang pinutukan. 

Tinamaan ng bala sa ulo si PO1 Cabaguing sanhi ng agarang pagkamatay. Samantalang si PO1 Villanueva ay tinamaan sa kanang dibdib na agad dinala sa hospital. 

Nakatakas naman ang suspek na hangang ngayon ay patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Ayon sa Presidential Mangement Staff, balak sana ni Presidente Duterte na makiramay sa pamilya ni PO1 Cabaguing sa Catbalogan, Samar at bisitahin ang sugatang si PO1 Villanueva sa ospital sa Tacloban noong Huwebes, ngunit hindi ito natuloy dahil masama umano ang pakiramdam ng presidente.