Lalaki, patay nang salpukin ng truck sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 10:15 AM

Photo courtesy of DNGS Samuel Nerona

Patay ang isang 67-anyos na lalaki matapos salpukin ng isang 6-wheeler truck Huwebes ng hapon sa Upper Poblacion, Tuba, Benguet.

Nakilala ang biktima na si Ludovico Poyaoan.

Ayon sa ulat, binabagtas ni Danilo Calonge, 60, ang kahabaan ng Marcos Highway patungong Maynila para mag-deliver ng 6 na tonelada ng gulay nang mawalan umano ng preno ang minamaneho niyang truck.

Sinubukan niya itong itabi pero nabangga ang biktima na saktong nakatayo naman sa gilid ng kalsada. 

Si Calonge ay nasa kustodiya na ng Tuba Municipal Police Station.

Wala nang balak na magsampa pa ng kaso ang pamilya ng biktima pero umaasa sila na sasagutin ng may-ari ng truck ang nangyari sa kaanak nila.

Pinaalalahanan naman ang mga motorista na mag-ingat sa pagbaybay sa madulas na daan ng Marcos Highway tuwing umuulan.

Nito lamang Lunes, isang 6-wheeler truck din ang nawalan ng preno at sumalpok sa sidewalk railing at bahagi ng isang bahay sa Upper General Luna sa Baguio City. Suwerte namang walang nasaktan sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.