Driver ng van patay matapos atakihin sa puso habang nagmamaneho

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 10:37 PM | Updated as of Aug 26 2017 03:29 AM

MANILA - Patay ang driver ng isang L300 van nang atakihin sa puso habang nagmamaneho sa Serrano Avenue, Caloocan City Biyernes ng hapon.

Bumangga ang sasakyan na minamaneho ni Leovino Cabangon sa bangketa kung saan nasagasaan ang tatlo katao: sina Jamaine Balmaceda, 18, Andrei Iligan, 13, at Mark Jayson Vergara, 12.

Nagtamo ng minor injuries ang mga biktima na ngayo’y stable na ang kondisyon sa Caloocan City Medical Center.

Pero si Cabangon ay idineklarang dead on arrival sa ospital.

Isang full-time delivery driver si Cabangon na inatake umano sa puso habang nagmamaneho kaya nawalan ng kontrol sa sasakyan.

Nakunan ng CCTV camera ang pagtakbo ng mga batang lalaki sa B. Serrano Street nang biglang bumangga ang L300 van sa bangketa kung saan sila naglalaro ng basketball.

Pumailalim sa sasakyan ang dalawang batang lalaki. Damay din ang 18-anyos na dalagita.

“Pinabuhat ko 'yung L300 kasi 'yung mga bata nasa ilalim. Nilagyan ko sila betadine...Tapos pinulsuhan ko 'yung driver, nakita ko, wala na,” ayon sa saksing si Susan Anas.

“Pagdating namin dito, nakita namin na wala nang buhay 'yung driver, habang may mga bata sa ilalim ng L300,” ani Anthony Tabacon, tanod ng Baragay 88, Caloocan City.

Nanawagan naman ng tulong para sa pagpapagamot ang tiyahin ng dalawang bata.

“Sa palagay ko, okay naman po sila at saka sana mabigyan sila ng panggastos [sa] gamot,” ani Rowena Osorio, tiyahin ng dalawang biktima.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa kaanak ng pumanaw na driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.