Pulis, dinukot umano ng mga armadong lalaki sa Caloocan

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2017 12:08 AM | Updated as of Aug 26 2017 01:04 AM

Pinangangambahang dinukot ng mga armadong lalaki ang isang pulis sa kanto ng Mariano Ponce, Barangay 135, Caloocan City nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima bilang si PO1 Jomar Regalado Reyes na kasalukuyang naka-destino sa Valenzuela City.

Ayon kay Ilustre Mendoza, officer-in-charge ng Caloocan Police, 4:30 ng hapon nang harangin si Reyes ng isang puting van habang minamaneho ang kanyang pulang Avanza.

Nasa 4 hanggang 5 lalaki ang bumaba sa van at sumakay sa kotse ni Reyes, ayon sa mga saksi.

Bumiyahe ng ilang metro ang sasakyan bago makarinig ng putok ng baril ang mga saksi.

Ilang sandali pa, bumaba umano ang mga armadong lalaki bitbit ang naka-posas na Reyes.

Basag umano ang kanang salamin ng likurang bahagi ng pulang Avanza.

Dating pulis-Caloocan si Reyes na ngayon ay sa Valenzuela na naka-destino.

Dumating sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong babaeng kamag-anak ni Reyes na tumangging magpaunlak ng panayam.

Ayon sa pulisya, susuriin nila ang CCTV cameras sa lugar sakaling nahagip ng mga ito ang insidente. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.