MMDA: Trapiko, gumaan matapos suspendihin ang Uber

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 09:59 PM | Updated as of Aug 24 2017 10:36 PM

Nabawasan ang bigat ng trapiko sa Metro Manila matapos suspendihin ang ride-sharing service na Uber, ayon sa hepe ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ani MMDA Chairman Danny Lim, nabawasan ng 5% ang travel time sa Metro Manila simula nang suspendihin ang pagbibiyahe ng mga Uber unit. 

“Sa mga narinig natin mukhang lumuwag nang konti ‘yung traffic because the problem talaga in Metro Manila is a volume problem of vehicles. Talagang napakaraming sasakyan at ‘yung mga kalsada natin ay hindi naman nadadagdagan,” ani Lim sa isang news conference sa Malacañang.

“So from what we heard, ‘yung mga report, pati ‘yung data natin sa Metro Base show na mukhang nakatulong sa pagbawas ng traffic.”

Ayon sa Uber, layunin nilang mapagaan ang trapiko sa pamamagitan ng kanilang ride-sharing application.

Pero ayon kay Lim, naging negosyo na ang Uber para sa ilan nang hindi na ito mahigpit na napangangasiwaan ng gobyerno. 

“Wala nang control ‘yung pagdami ng mga ganitong sasakyan, eh. Talagang nakakapasama sa traffic,” ani Lim.

“May mga regulations tayo. Ilan ba dapat… Ilan ba ‘yung dapat ‘yung naibigay na prangkisa diyan? Ilang units?”

Pahayag ni Lim, mayroong halos 10 milyong rehistradong sasakyan sa buong bansa, 30% nito ang gumagamit ng mga kalsada ng Metro Manila.

Sinuspende ang Uber sa loob ng isang buwan dahil sa paglabag sa utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tumigil muna sa pagtanggap ng mga bagong unit ng Transport Network Vehicle Service.

Umani ng kabi-kabilang negatibong reaksiyon mula sa mga pasahero ng ride-sharing service ang pagsuspende ng LTFRB sa Uber.

Nag-alok namang magbigay ng P10 milyong multa ang Uber sa LTFRB kapalit ng pagbawi sa suspensiyon. Pinag-aaralan pa ng ahensiya ang apela ng Uber.

Pinagmulta na ng ahensiya ang Uber at Grab ng P5 milyon bawat isa noong Hulyo dahil sa halos 50,000 sasakyang nag-o-operate ng walang mga kaukulang dokumento.

--Ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.