Mag-live in timbog dahil sa umano'y pagnanakaw, cyberbullying

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 10:18 AM

Naaresto sina Romeo Roque at Eddielyn De Guzman nang ituro ni Revilla at nang hinanap ang pinapadalhan ng pera ng mga kinikilan. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA - Arestado ang mag-live in partner na inaakusahan ng pagnanakaw at cyberbullying ng isang online seller. 

Kinilala ang mga suspek na sina Romeo Roque, isang technician, at kinakasama niyang si Eddielyn de Guzman.

Ayon sa biktimang si Leslie Villaluna, una muna siyang nilooban at ninakawan sa bahay sa Maynila.

Matapos nito, na-hack ang account niya sa Facebook at ginamit ng hacker para apurahing magbayad ang kanyang mga kustomer.

"'Yung buyer ko na isa kinukulit niya sa payment. Kinontak niya 'yung isang account namin bakit ako biglang naniningil at nag-aapura... Tinawagan ko, sabi ko ninakaw phone ko iba kausap mo," ani Villaluna. 

Gamit ang ninakaw na profile, nagpost ang hacker ng paninira sa isang computer technician na si Reginald Revilla.

Sinabi ng hacker na si Revilla ay isang tulak ng ilegal na droga at manyakis pa.

"Nangangamba ako sa buhay ko di ako ganung tao. Kaya lang yung ibang di nakakakilala sa akin baka patulan," ani Revilla.

Natunton naman ng mga awtoridad ang pinagpadalahan ng pera ng mga kustomer na inapura ng hacker.

Dito na nanaaresto si Roque na lumalabas palang kagalit sa trabaho ni Revilla.

Itinanggi naman ni Roque na siya ang nagnakaw kay Villaluna at hindi rin umano siya ang nagpakalat ng post laban kay Revilla.

"Nagtatrabaho ako nang maayos. Galit ako sa kanya pero siya ang galit sa akin. Shinare lang yun," aniya.

Bukod sa theft, haharapin ng dalawa ang kasong cyberbullying.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.