Lalaki patay matapos kumain ng isdang 'panabugan' sa Cebu

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 11:19 PM

Namatay si Federito Solon matapos kumain ng isdang "panabugan" sa Carcar City, Cebu. Edgar Escalante, ABS-CBN News

Isa ang patay habang dalawa naman ang nasa ospital matapos kumain ng isdang "panabugan" sa Carcar City, Cebu nitong Huwebes.

Nasawi si Federito Solon habang nagpapagaling sa ospital sina Jerry Raagas at Primo Lastima.

May nagbigay umano sa kanila nitong Martes ng apat na kilong isdang panabugan kaya naisipan ng magkakaibigan na lutuin at kainin ito sa hapunan.

Matapos maubos ang kinain, bigla umano silang nakaramdam ng sakit ng tiyan, pagkahilo, at pagsusuka.

Dinala sila sa ospital nitong Miyerkoles pero namatay si Solon dahil sa malubhang pagsusuka at pananakit ng tiyan at ulo.

Si Raagas ay patuloy na nagpapagaling sa Ospital sa Carcar City habang si Lastima ay nakalabas naman agad sa ospital. Binigyan daw kasi sya ng first aid ng kanyang pamilya kung saan pinainom siya ng gata ng niyog.

Ayon kay Raagas, hindi ito ang unang pagkakataon na kumain sila ng isdang panabugan kaya nagtaka sila kung bakit sila nalason.

Ayon naman kay Dr. Rio Dela Pena, posibleng nakalason sa kanila ang pagkain nila ng mga lamang loob ng isda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.