Comelec officials kay Bautista: Magpahinga o magpaalam ka na

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 09:54 PM | Updated as of Aug 25 2017 04:39 AM

Hinimok ng anim na commissioner ng Commission on Elections (Comelec) si Comelec Chairman Andres Bautista na maghain ng leave of absence o kaya'y magbitiw sa puwesto.

Anila, mabigat ang mga akusasyon laban kay Bautista at kakailanganin niya ang oras at lakas para matutukan ang mga isyu na kinakaharap niya. 

Sinabi ng mga commissioner na sina Rowena Guanzon, Christian Robert Lim, Al Parreno, Luie Tito Guia, Arthur Li at Sheriff Abas na hindi magiging epektibong pinuno ng Comelec si Bautista bunsod ng mga problemang kinakaharap niya, kabilang na ang nakabinbing impeachment complaint sa Kamara.

Ayon pa sa mga commissioner, patunay ang hindi pagdalo ni Bautista sa budget hearing ng Comelec sa Kamara nitong Miyerkoles, Agosto 23, na kailangan na niyang tumutok sa kaniyang mga anak at pagdepensa sa sarili.

Sabi pa ng mga commissioner, nakipagpulong si Bautista sa kanila noong Agosto 14 at nangakong ipaaalam sa kanila ang magiging desisyon niya. 

Pero hanggang ngayon, wala pa raw abiso ang Comelec chairman.

Nilinaw ng mga commissioner na hindi nila tinitira ang pagkatao ni Bautista. Ito raw ay para sa ikabubuti ng Comelec. 

Ayon kay Bautista, pinag-iisipan pa niya kung maghahain siya ng leave of absence o magbibitiw sa puwesto.

Pero kung sakaling mangyayari ito, magtatalaga ng "acting chairman" ang anim na commissioners para hindi matigil ang trabaho sa Comelec.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.