Brgy captain, itinangging may cover-up sa P4M droga sa e-bike

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 10:19 AM

MANILA - Itinanggi ng kapitan ng Barangay San Antonio sa Makati na pinatago niya sa mga tanod ang pagkakadiskubre ng P4 milyong halaga ng droga sa isang e-bike sa barangay.

Sa ipinadalang pahayag sa ABS-CBN News na nakasulat kay Makati Mayor Abigail Binay, sinabi ni Kapitan Restituto Cajes na ang barangay executive officer ang napatunayan ng kanilang imbestigasyon na nakaalam ng pagkakadiskubre ng drugs at itinago ang impormasyon dito sa kapitan.

Dagdag ni Cajes, inalis na sa puwesto ang executive officer at pinagpapaliwanag na rin ang mga tauhan ng barangay na sangkot.

Sabi niya, suportado niya ang laban ng gobyerno sa pinagbabawal na gamot at hindi umano hahayaan ang pagkalat nito sa lugar niya.

Kasama si Cajes at 3 tanod sa mga kakasuhan ng pulis Makati dahil sa nasabat na droga noong Lunes.

Nagsumite na si Cajes ng affidavit sa pulisya tungkol sa insidente.