Bird flu virus sa Pampanga, maaaring maipasa sa tao: DA

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 06:12 PM | Updated as of Aug 24 2017 06:33 PM

Kinompirma ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes  na maaaring maipasa sa tao ang bird flu virus na nakita sa Pampanga.

Ang bird flu strain na nagpositibo sa H5N6 virus ay maaaring maipasa sa tao, bagama't napakababa ng tiyansang makahawa ito, ayon kay Dr. Arlene Vytiaco ng Bureau of Animal Industry sa press conference. 

"The strain tested positive for H5N6 that could be transmitted to humans, but the rate of mortality and transmission is very, very low," ani Vytiaco. 

"Mas mababa ito kesa sa H1N1. Since 2014, wala pang  20 ang namamatay, mostly from China," dagdag pa niya.

Tiniyak naman ni Vytiaco na wala pang Pilipinong nagpositibo sa naturang virus.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, nakikipag-coordinate na sila sa Department of Health upang masiguro  na hindi maaapektuhan ng virus ang mga magsasaka sa San Luis, Pampanga, at sa mga bayan ng San Isidro at Jaen sa Nueva Ecija.

Sinabi naman ni Piñol na sa ngayon ay wala silang bakuna para sa naturang virus (H5N6) dahil wala aniyang ganoong klase ng strain dati. 

Tutukuyin pa ng DA kung paano nakapasok ang virus sa Pilipinas partikular na sa Gitnang Luzon.

Samantala, nakapag-cull o nakapagkatay na ng 600,000 na ibon ang DA sa Pampanga at halos 200,000 ibon naman ang nakatakda ring i-cull sa Nueva Ecija bilang aksiyon ng Agriculture department na pigilan ang pagkalat ng sakit. 

Pinayagan naman ni Pangulong Duterte na magsama ng manok sa food packs na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development sa mga evacuees sa Marawi City. 

-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.