Testigo: Kian, inaresto bago mabaril at mapatay

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 09:52 PM | Updated as of Aug 24 2017 12:25 AM

Inakyat ng pulis ang kanilang bahay sa Caloocan habang nasa ibaba si Kian Loyd delos Santos. Pagkatapos nito ay saka dinala ang 17 anyos papunta sa direksiyon ng botika kung saan naman siya nakita ng ibang testigo na ginugulpi ng mga pulis.

Ito ang sinabi ng isang testigo na hawak ng Public Attorney's Office kaugnay ng pagkamatay ni delos Santos nitong Agosto 16. Ayon sa PAO, ang testigo ang magpapatunay na inaresto muna si delos Santos ng mga pulis bago siya mabaril at matagpuang patay.

''Ganyan 'yung paghawak sa kanya, parang sinasakal siya. Hindi naman po namin inisip na gagawin nila sa bata 'yun eh. Pag nakakahuli sila ng menor dinadala nila sa barangay, kinabukasan pinapakawalan,'' sabi ng testigong si ''Choleng''. 

Nais ng PAO na maisampa sa Department of Justice (DOJ) ang kasong murder laban sa mga sangkot na pulis sa lalong madaling panahon.

Ito'y kahit isang testigo pa lamang ang nakuhanan nila ng sinumpaang salaysay. Ayon sa testigo, bagama't natatakot siya para sa kaniyang buhay, kailangan niya raw itong gawin para mabigyang katarungan ang pagkamatay ni Kian.

Handa naman ang PAO na ibigay ang lahat ng pangangailangan ng testigo maging ang kaniyang proteksiyon at ng kaniyang pamilya.

Ayon kay Atty. Persida Rueda-Acosta, hepe ng PAO, magrerekomenda ang PAO na mapasailalim sa witness protection program ang testigo.

Nanindigan naman ang hepe ng PAO forensic laboratory na tatlong fatal gunshot wounds ang nakita sa katawan ni Kian sa isinagawa nilang forensic examination. Taliwas ito sa inilabas na autopsy result ng Philippine National Police (PNP) crime lab, kung saan dalawang gunshot wounds lang sa ulo ni Kian ang nakita.

'2 tama ng bala sa ulo, sanhi ng pagkamatay ni Kian' 

Lumabas sa autopsy report ng PNP Medico Legal na ikinamatay ni Kian ang dalawang tama ng bala sa ulo nito.

Ayon din sa PNP crime laboratory, wala silang nakitang 'tattooing' sa mga gunshot wound na maaaring palatandaan kung binaril nang malapitan si Kian.

Posible rin daw na pababa mula sa entry point hanggang sa exit point ng bala ang paraan ng pagkakabaril sa binata.

Nagnegatibo naman ang mga kamay ni Kian sa gunpowder nitrates, base sa resulta ng paraffin test.

Ayon sa PNP, maaari raw na madagdagan pa ang listahan ng mga pulis na haharap sa kasong administratibo habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

2 pulis, umamin

Umamin ang dalawang pulis sa imbestigador ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na sila nga ang nakita sa viral na CCTV footage sa kaso ng pagpatay kay Delos Santos, ayon kay Inspector General Alfegar Triambulo ngayong Miyerkoles. 

Kusa raw na lumapit ang dalawang pulis kahit na hindi sila pinapupunta ng PNP-IAS. 

Tumanggi namang pangalanan ni Triambulo ang dalawang pulis na umamin at hindi rin nagbigay ng detalye kung sila rin ang nagpaputok ng baril.

PNP, ipasasailalim sa 'restrictive custody' ang 13 pulis na sangkot sa operasyon sa Caloocan

Samantala, pinapasailalim na ng PNP sa 'restrictive custody' ang may 13 pulis na sangkot sa 'one time, big time' operation sa Caloocan City na nagresulta sa pagkamatay ni delos Santos, ayon sa case conference ng PNP-IAS nitong Miyerkoles.

Ayon sa PNP-IAS, ito ay upang magsilabasan at mapanatag na ang loob ng mga testigo.

Inirekomenda na rin ng PNP-IAS na isailalim sa 'pre-charge investigation' ang may limang pulis na sangkot sa operasyon habang 'serious irregularity in the performance of duty' naman ang kasong administratibong kahaharapin ng tatlong pulis na direktang sangkot sa pagkamatay ng binatilyo.

'Serious neglect of duty' naman ang nais ipataw ng PNP-IAS sa station commander ng Caloocan na si Chief Inspector Amor Cerillo at Caloocan police chief Senior Superintendent Chito Bersaluna.

-- May kasamang ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.