Lalaki patay sa pananaksak sa Baguio City

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 08:57 PM

BAGUIO – Dalawang saksak sa dibdib ang ikinamatay ng isang 47-anyos na lalaki sa Baguio City nitong Martes.

Nakilala ang biktima na si Harold Chomacog, 47-anyos at isang land surveyor.

Walang malay siya nang matagpuan ng mga residente sa San Carlos Heights alas-10 ng gabi ng Martes. Naisugod pa siya sa pagamutan pero agad ding binawian ng buhay.

Ayon sa mga residente, nakita pa nila ang biktima na naglalakad sa lugar at tila lasing.

“Narinig namin parang may nag-aaway, sabi namin, lasing lang 'yun. Lumabas kami, nakita namin pagewang-gewang siya tapos nadapa diyan sa kanal,” sabi ng isang residente na tumangging magpakilala.

Palaisipan pa sa mga pulis kung ano ang motibo sa pagpaslang pero siguradong hindi daw ito pagnanakaw.

“Kasi lahat naman ng belongings niya like wallet niya, gadgets niya, nandun naman lahat. Siguro may nakasalubong siya o may kasama siya,” ani Senior Inspector Pablo Emmanuel Nead.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis.

Simula noong nakaraang linggo, tatlo na ang namamatay sa Baguio City dahil sa pananaksak. Dalawa sa mga biktima ay taxi drivers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.