Lalaki malapitang binaril sa loob ng barong-barong, patay

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 08:16 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki matapos malapitang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanilang barong-barong sa tabi ng riles sa Osmeña Highway, sakop ng Sta. Ana, Martes.

Kinilala ang biktimang si Rolando Rebulacio, 40, isang mangangalakal na nagtamo ng 4 na tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan nang pagbabarilin bandang alas-10:00 ng gabi.

Kuwento ni Melinda Bergado, kinakasama ni Rebulacio, patulog na ang ka-live in nang hawiin ng nag-iisang gunman ang kurtina ng kanilang tirahan at malapitang pinagbabaril ang biktima.

Agad aniyang tumakas ang namaril pero hindi na niya alam kung naglakad lang ito o sumakay sa nag-aabang na motorsiklo. Aminado si Bergado na dating gumagamit ng ilegal na droga si Rebulacio.

Samantala, natagpuan ng pulisya ang mga drug paraphernalia na tooter at foil sa tirahan ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.