Kaso ng dengue sa NCR, tumaas ngayong 2017

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 07:27 PM | Updated as of Aug 24 2017 12:04 AM

Tumaas ang bilang ng kaso ng dengue sa National Capital Region (NCR) ngayong taon kumpara noong 2016. 

Ayon sa Department of Health (DOH), tumaas ang kaso ng dengue sa NCR nang mahigit isang libo ngayong 2017 kumpara noong 2016. 

Malaki naman ang ibinaba ng dengue cases sa buong bansa kumpara noong 2016 bagaman tumaas ang kaso sa NCR ngayong taon. 

Umabot sa 69,297 ang kaso ng dengue mula Enero hanggang Hulyo noong taong 2016 habang 43,770 naman ang naitala ngayong taon.

Mula Enero hanggang Hulyo noong nakaraang taon, nakapagtala ang DOH ng 4,457 na kaso ng dengue sa NCR. Tumaas ito sa 5,567 sa kaparehong petsa ngayong taon.

Paliwanag ng DOH, mas dumami ang mga breeding site o lugar na pinangingitlugan ng mga lamok na nagdadala ng dengue dahil sa mga pag-ulan.

Kasunod nito, punuan na ang bawat dengue room sa San Lazaro Hospital na karamihan ay bata ang mga pasyente.

Sa tala ng San Lazaro Hospital, nasa 542 na ang bilang ng dengue cases admission hindi pa man tapos ang Agosto. Mas mataas ito kumpara sa 473 noong buwan ng Hulyo. Inaasahan na naman nila ito dahil tag-ulan na.

Pero ayon sa medical specialist ng ospital na si Ferdinand de Guzman, hindi maiaalis na posibleng magkulang ng dugo ang ospital dahil sa dami ng pasyente kaya nananawagan sila sa mga blood donors.

Samantala, isa sa mga solusyon na nakikita kontra dengue ang community-based immunization program na ipinatutupad sa Caloocan, Makati, Quezon City at Maynila -- mga lugar na may pinakamataas na kaso ng dengue. 

Bukod pa ito sa school-based immunization program.

Libre ang vaccination na may tatlong dose at tig-anim na buwan na interval pero dapat kasama ng bata ang magulang o guardian kapag pupunta sa health center at kailangang residente sila ng siyudad. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.