Bohol bumuo ng task force kontra bird flu

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 12:48 PM

TAGBILARAN CITY- Nagtatag na ang lokal na pamahalaan ng Bohol ng Task Force Bird Flu upang magbantay sa mga manukan, presyo ng manok sa pamilihan, at paggalaw ng mga migratory birds sa probinsiya.

Ayon kay Bohol Provincial Veterinarian Betty Lapiz, bagamat walang biglaang pagkamatay ng mga ibon na naiuulat dito, nananatiling bagsak ang bentahan ng manok at itlog sa pampublikong pamilihan dahil sa takot sa paglaganap ng bird flu mula sa Luzon.

Ayon kay Lapiz, bagamat walang banta ng bird flu sa Bohol, patuloy na imomonitor ng lokal na pamahalaan ang mga manukan lalo na't noong Martes ay pinayagan na muli ng Department of Agriculture (DA) ang pagdadala ng poultry products mula Luzon patungong Visayas at Mindanao. 

Nauna nang kinumpirma ng DA ang unang kaso ng pagkalat ng bird flu sa mga manukan sa ilang poultry farms sa Pampanga, at sunod sa Nueva Ecija.

Kamakailan, may 600,000 na ibon sa Pampanga at 550,000 sa Nueva Ecija ang kinailangang patayin upang hindi kumalat ang sakit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.