Pagbiyahe ng mga manok mula Luzon, pinayagan ulit pero...

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 06:06 PM | Updated as of Aug 23 2017 12:58 AM

Inalis na ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes, Agosto 22, ang shipment ban o ang pagbabawal sa pagbiyahe ng manok at mga produkto nito mula Luzon papunta sa ibang bahagi bansa, pero may ilang kondisiyon. 

Maaari na muling magpadala ng poultry products, gaya ng itlog, karne ng manok at pato, mula Luzon patungong Visayas at Mindanao, basta't hindi galing ang mga produktong ito mula sa mga lugar na sakop ng pitong-kilometrong radius na 'controlled area' o 'quarantine zone' sa Pampanga at Nueva Ecija.

Dapat din, nainspeksiyon ito ng quarantine officers. Kung pumasa ito sa kanila, kailangan nila itong lagyan ng 'quarantine seal'.

Kailangang luto na rin ang mga balut bago ibiyahe.

Ayon kay DA Secretary Emmanuel Piñol, ibinase niya ang administrative order na nagtatanggal ng transport ban sa poultry products sa rekomendasyon ng 'biosecurity team' na nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga apektadong farm.

Tiniyak din ni Piñol sa publiko na ligtas ang poultry products na ibinebenta sa merkado ngayon.

Isinapubliko rin ng DA ang resulta ng laboratory test mula sa Australian Animal Health Laboratory na kumokompirma sa Avian Influenza virus sa San Luis, Pampanga.

Noong nakaraang linggo, kinatay ang aabot sa 600,000 na ibon sa bayan ng San Luis, Pampanga. Sa parehong araw din, Agosto 18, ay kinumpirma ng DA na mayroon na ring kaso ng bird flu sa Jaen at San Isidro, Nueva Ecija.

May nananamantala sa presyuhan ng manok'

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura, nalulugi sila ng P179 milyon kada araw mula nang ideklara ang bird flu outbreak.

Tingin ng Philippine Poultry Integrated Alliance, may nananamantala sa sitwasyon dahil bumaba man ang presyo ng manok sa palengke, hindi pa rin ito kasing-bagsak presyo tulad kapag binibili ito mula sa poultry farmers.

Anila, mula sa dating P80-P85 kada kilo, binibili na lang sa halagang P10-P15 kada kilo ito ngayon mula sa poultry farmers.

Pero kapag ibinenta naman daw sa palengke, naglalaro sa P128-P140 ang kilo ng palengke.

Sabi ni Piñol, kung ganoon daw kababa ang presyo ng manok, makikipag-ugnayan na ang DA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matulungan ang poultry farmers.

Maaari kasing magamit ang mga manok sa mga programa ng DSWD, pati sa pagpapaabot ng tulong sa Marawi.

May nakahanda na rin ang DA na P51 milyong pondong gagamitin sa pagbibigay ayuda sa poultry farmers.

Aapela naman ang DA sa temporary ban ng South Korea at Japan sa poulty products mula sa Pilipinas.

-- Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.