Makalilibre sa matrikula, sasalain sa college entrance exam

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 08:50 PM | Updated as of Aug 23 2017 10:22 AM

Pinag-aaralan ng administrasyon ang pagbuhay sa National College Entrance Examination (NCEE) para salain ang mga estudyanteng makikinabang sa libreng tertiary education sa mga institusyong popondohan ng gobyerno.

Libre na ang pag-aaral sa mga state at local colleges and universities simula susunod na school year na may kasama pang allowance para sa aklat, transportasyon, at maging pangrenta o pambili ng computer, alinsunod sa batas.

Nasa P50 bilyon sa unang taon ang estimated budget para dito. Kalahating halaga lang ito sa unang tantiya ng Department of Budget and Management na gagastusin ng gobyerno para maipatupad ang libreng matrikula.

Paliwanag ni Budget Secretary Benjamin Diokno, "We are lucky in a way that there is a natural transition because of K-12. Next year, there will be only freshmen, no sophomores, juniors and seniors. Year two, no juniors and seniors. Full impact is year 4."

Kaya plano ng gobyerno na maghigpit sa pagsala ng mga mag-aaral na papasok sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagbuhay sa NCEE.

Taong 1994 nang pirmahan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang batas na nagbubuwag ng NCEE na noon ay requirement bago makapag-kolehiyo. Kaya ngayon, bago ito maipatupad, kakailanganin din ng batas para muling buhayin ito.

Ayon kay Sen. Francis Escudero, chairman ng Senate committee on education, arts and culture, wala pang nakararating na panukalang batas sa kaniyang tanggapan. Pero kailangan daw ng mas matibay na dahilan para maibalik ang NCEE.

"We will study it carefully. But offhand, they have to come up with a better reason to revive it other than for the purpose of restricting access to state and local universities and colleges," aniya.

Hati naman ang reaksiyon dito ng mga estudyante.

Ani Shiela Malsi, grade 11 student, "Yung iba kasing teacher sa central high, hindi maayos ang pagtuturo nila eh".

Pero para kay Adrian Francisco, grade 11 student, mas mabuti umano ito para masubok ang kanilang kakayahan.

Pahayag naman ni Diokno, plano nilang isagawa ang nationwide exam sa Pebrero o Marso ng susunod na taon para masala ang mga bilang ng estudyanteng makikinabang sa libreng matrikula.

--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.