Karagdagang taxi, solusyon ng LTFRB sa reklamo vs. abusadong driver

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 09:47 PM | Updated as of Aug 23 2017 01:27 AM

Planong dagdagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bilang ng mga taxi sa kalsada bilang isang solusyon sa mga reklamo laban sa mga taxi.

Bumuhos kasi sa social media ang reklamo ng mga netizen laban sa mga pasaway at abusadong taxi driver matapos suspendihin ng LTFRB ang Uber.

Tingin ng LTFRB, mababawasan ang reklamo kung mabibigyang prangkisa ang mga bagong taxi para dumami rin ang mga namamasadang hindi mamimili ng mga pasahero.

Sa kabila naman ng matinding batikos na tinatanggap ngayon, siniguro ng LTFRB sa publiko na inaaksiyunan nila ang mga reklamo.

Ayon kay LTFRB Chair Martin Delgra, mayroon silang parangal para sa mga taxi driver na magalang at mabait. Kasabay nito, umiiral din ang ‘Oplan Isnabero’.

Binalaan naman ni Delgra ang Grab na sundin ang kanilang regulasyon pagdating sa 'surge pricing'.

Inireklamo kasi ng ilang pasahero ang umano'y mataas na surge rate ngayong dagsaan ang mga rider sa Grab dahil sa suspensiyon ng Uber.

Ayon sa LTFRB, hanggang dalawang beses lang ng base fare dapat magtaas ng pasahe ang mga Transportation Network Company base sa kautusan ng LTFRB noong Disyembre.

Nauna nang inanunsiyo ng Grab na nilimitahan na nila nang hanggang "1.4" lang ang cap ng kanilang surge pricing simula nang masuspende ang Uber.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.