Ilegal ba ang pagpapasabay ng kaibigan sa sasakyan?

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 01:40 PM

Ituturing ba na kolorum ang mga pribadong driver na nagpapasakay ng kanilang mga kaibigan sa biyahe?

Ito ang naging tanong sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasunod ng pagkalat ng isang post na kumakalat sa social media kung saan sinasabing ilegal umano ang pagpapasakay ng pribadong driver sa ibang pasahero kung may mangyayaring ambagan.

Sa naturang post, nagtanong ang isang netizen sa umano'y LTFRB Citizen Enforcer page kung ituturing ba siyang kolorum kapag isinabay nito ang mga kaibigan o kaopisina sa kanyang sasakyan at nag-ambag sila para sa pampagasolina o pambayad sa parking. 

Base sa post, sumagot naman ng 'Yes sir' ang LTFRB Citizen Enforcer. Nang tanungin naman sila kung '[okay] lang' ba kung hindi naman sila magbabayad o mag-aambag, halos pareho rin ang sinagot ng admin ng nasabing page. 

Ngunit ayon kay LTFRB chair Martin Delgra, iba umano ang lumabas sa screenshot kumpara sa mismong sinabi ng admin page. 

"I had to clarify it with the Head of the PACD (Public Assistance Complaints Desk) who was handling that. He told me na iba 'yung sagot niya doon sa nag-viral," banggit ni Delgra sa isang press conference sa Malacañang.

"Iba ang lumabas doon sa nagva-viral na screen shot... Hindi lang po 'Yes sir'. Mahaba pa 'yong sagot niya," ani Delgra. 

"Ang tamang sagot po ganito: the basic requirement of a public transpo is that when you take in a passenger for a fee, then you undertake a public transportation service. If you don't, wala. If you take in a friend for a fee, that's it."

Lumabas ang viral post na ito kasunod ng pagmumulta ng LTFRB sa Uber at Grab ng tig-P5 milyon dahil sa umano'y pagpapatakbo ng mga transport network company na ito ng mga kolorum na sasakyan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.