Gone in 10 seconds: Pagtangay sa motorsiklo, sapul sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 07:09 PM

Inagaw at tinangay ang isang motorsiklo sa Barangay Paang Bundok sa La Loma, Quezon City. 

Naisagawa ang pagnanakaw nang wala pang 10 segundo.

Sa kuha ng CCTV, makikitang dumating sa isang kalye ang magkaangkas sa motorsiklo.

Tinabihan nila ang isang nakatayong babae sa kalye na nakikipag-usap sa lalaking nakaupo sa nakahintong motorsiklo sa bangketa.

Lumapit ang lalaking nakaangkas at naka-helmet, itinulak ang lalaking nakaupo sa motorsiklo, sabay sakay at paandar nito.

Mistulang natulala na lang sa bilis ng pangyayari ang biktima at ang kasamang babae.

Mabilis ding tumakas ang dalawa matapos maagaw ang motorsiklo.

Ayon sa biktima, may nakita siyang dalang baril ang kasabwat ng tumangay ng kaniyang motorsiklo.

Nagsampa na siya ng reklamo sa Quezon City Police District (QCPD) Anti-Carnapping Unit.

Labis naman itong ikinabahala ng mga opisyal ng barangay dahil madalas na silang nakatatanggap ng kaparehong reklamo ng pang-aagaw ng motor.

Pinag-aaralan na rin ng QCPD ang isa pang insidente ng pagtangay ng motor na nakuhanan ng CCTV sa Barangay Alicia sa Bago Bantay, Quezon City noong ika-3 ng Agosto.

Parehas din ang modus ng mga kawatan.

Hawak na nila ang larawan at pangalan ng isa sa mga suspek na napag-alamang may warrant of arrest na rin.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.