16 anyos, nanloob ng bahay, naipit ang ulo sa bintana

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 07:41 PM

Hindi na nagawang makatakas ng menor de edad na nanloob sa isang bahay sa Barangay Tugos, Sorsogon matapos maipit ang kanyang ulo sa mga rehas na bakal sa bintana ng bahay.

Base sa imbestigasyon, alas-2 ng madaling araw nitong Lunes nang madiskubre ng isa sa mga anak ng may-ari ng bahay ang pagpasok ng menor de edad.

Sinigawan niya ito -- dahilan para magmadali itong tumakas.

Pero naipit ang ulo nito sa grills dahil sa pagmamadali at hindi na nakalabas.

Nakuhanan pa ng larawan ng isang residente ang menor de edad kung saan makikita na nakaipit ang ulo nito sa grills, at nakatuntong ang mga paa sa hawakang bakal ng hagdan ng bahay.

Wala namang nakuhang gamit mula sa bahay ang suspek.

Ayon sa pulisya, dati nang may record sa kanila ang menor de edad dahil sa iba pang mga nakawan.

Ite-turn over naman ng pulisya sa barangay at ipapasailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad na 16 anyos pa lamang.

-- Ulat ni Erick Baldo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.