Ulan sa Luzon, Visayas, tuloy dahil sa bagyong 'Isang'

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 04:26 PM

Napanatili ng bagyong 'Isang' ang lakas nito at patuloy na magpapaulan sa Luzon at Visayas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes.

Base sa weather bulletin na inilabas ng PAGASA ngayong alas-2 ng hapon, Agosto 21, huling namataan ang sentro ng bagyo sa 255 kilometro silangan ng Basco, Batanes.

Itinaas na sa tropical storm signal no. 2 ang Batanes group of islands kung saan posibleng makaranas ng storm surge o daluyong sa mga dalampasigan habang nakataas naman ang tropical storm signal no. 1 naman sa Babuyan Islands.

Palalakasin ng bagyo ang habagat na magdadala ng light to moderate rains na may paminsanang malakas na ulan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Visayas. 

Ang bagyo ay mayroong lakas ng hangin na aabot sa 80 kilometro kada oras at bugsong aabot sa 97 kilometro kada oras habang kumikilos pa-kanluran, hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Nagpaalala rin ang PAGASA na maaaring makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa ang mga nakatira sa mabababang lugar sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas, kasama na ang Metro Manila.

Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibilty ang bagyo gabi ng Martes o umaga ng Miyerkoles.

Inaabisuhan din ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na magmatyag at maging handa sa posibleng epekto ng habagat at magbantay sa mga susunod na weather bulletin at thunderstorm advisory na ilalabas ng PAGASA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.