Basura, bumara, dulot ay baha sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 08:44 PM | Updated as of Aug 22 2017 02:01 AM

Tone-toneladang basura ang bumara sa mga drainage na naging dahilan ng pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong weekend.

Bumuhos ang malakas na ulan simula alas-7 ng gabi nitong Sabado hanggang madaling araw ng Linggo kaya bumaha sa mga lugar na malapit sa mga estero at ilog na umabot pa hanggang dibdib.

Nitong Lunes, lubog din ang ilang lugar sa Quezon City nang bumuhos ang ulan. 

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi na ito nakapagtataka dahil ilang ulit nang napatunayan na ang mga basurang walang habas na itinatapon sa mga estero at waterways ang dahilan ng pagbaha.

Paliwanag ni Eddie Garcia, team leader ng Flood Control Unit ng MMDA, gumana naman ang 24 na pumping stations nila.

Pero bumabara sa mga screen na nakalagay sa mga drainage ang nagkalat na mga basura na sumasabay sa pagbaba ng tubig mula sa matataas na lugar gaya ng Quezon City.

Kaya sa halip na tuloy-tuloy ang pagbaba ng tubig, naiipon at nagiging mabagal ang pagdaloy papunta sa mga ilog.

Ayon kay Garcia, kailangan nilang itigil ang operasyon ng mga pumping station dahil hindi na makahigop ng tubig kapag nabarahan na ang mga drainage na maaaring makasira naman sa mga pump.
 
Ganun ang nangyari sa pagbaba ng tubig mula sa Quezon City.

Catch basin ang Rizal Avenue at R. Papa kaya madaling tumaas ang tubig nang mabarahan na ng basura ang mga drainage.

Mababa rin ang Taft Avenue at UN area kung saan nagkalat din ang sandamakmak na basura kaya mas mabilis na bumara ito sa halip na dumaloy agad sa mga daanan ng tubig.

Dumagdag pa ang busted pipe sa isang on-going project doon ng DPWH kaya lumubog ang Taft.

Ayon sa MMDA, tila wala pa ring pakialam ang mga tao sa paulit-ulit na paalala na ang basurang itinapon kung saan-saan ay babalik din sa pinanggalingan.

Sa pumping station sa Quiapo, gabundok na basura na naman ang nasabat ng MMDA na halos umabot na sa tuktok ng conveyor belt.

At dahil patuloy ang pag-ulan, apaw na ang ilang estero sa Maynila.

Gutter deep sa Rizal Avenue at Batangas street sa Sta. Cruz, Maynila, ganoon din sa Liwasang Bonifacio.

Hanggang gulong ng sasakyan naman ang tubig sa Lacson Avenue at sa tapat ng City Hall.

Sa Rizal Avenue mula Abad Santos patungong R. Papa, boundary ng Maynila at Caloocan, hindi na madaanan dahil sa taas ng tubig.

Kasama ang mga lugar na nabanggit sa halos isandaang flood prone areas sa Quezon City, South at Central Manila, San Juan, Mandaluyong, Taguig, Pateros, Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa at Camanava.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.