Ama ni Kian, naghamon ng drug test, nanawagan kay Bato

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 02:47 PM | Updated as of Aug 22 2017 12:26 AM

Pinabulaanan ng ama ni Kian Loyd Delos Santos ang alegasyon ng pulisya na drug courier at runner ang kaniyang anak para sa mga umano'y transaksiyon ng ilegal na droga nilang mag-anak.

Sa panayam kay Saldy Delos Santos, ama ni Kian, nitong Lunes, Agosto 21, sa programang "Headstart" ng ANC, itinanggi niyang may kinalaman ang kaniyang pamilya sa ilegal na droga.

“Hindi po. Kahit na ang pamilya ko, wala po. Kahit mga kamag-anak ko wala kayong makikita.

“Ang mga kabarangay ko po [ang] magpapatunay kung anong klaseng bata po iyan [si Kian]. Mabuting bata po ang anak ko. Naghahanap-buhay po kami nang maayos. Hindi po siya pala-barkada,"ani delos Santos.

Nitong Linggo, Agosto 20, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald 'Bato' Dela Rosa na ginagamit si Kian ng kaniyang pamilya para maghatid ng droga sa mga parokyano nio.

Kaugnay nito, hinamon ng ama ni Kian si Dela Rosa na mag-imbestiga. Giit din niya, wala sa 'drugs watchlist' ang anak. 

"Mali po ‘yong mga paratang na ‘yon. Ang mas maganda siya (PNP Chief Dela Rosa) [ang] pumunta dito sa aming lugar para malaman niya. Hindi ‘yong kung saan-saan siya nagsasalita po. Pumunta siya sa bahay namin, sa mga paligid namin at tanungin niya."

“Kahit sa barangay namin wala pong record ‘yan. Ang pinaka the best na lang po… siya [Dela Rosa] na lang po ang pumunta. Siya ang mag-imbestiga,” dagdag pa niya.

Dismayado rin ang ama na naging biktima ang kaniyang anak ng kampanya kontra droga na sinuportahan pa man din nilang pamilya.

“Siyempre masakit. Masakit di ba, masakit sa amin na sumuporta tapos ang anak ko naging biktima pa." 

Hiniling ni Delos Santos na maparusahan ang pumatay sa kaniyang anak sa isasagawang imbestigasyon ng Senado.

“Ang akin lang naman po, sa gumawa sa anak ko maparusahan po siya kasi po mali ‘yong ginawa niya... napakabuting bata po [ng anak ko].”

Samantala, handa namang magpa-drug test ang pamilya Delos Santos upang mapatunayan na hindi sila gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon sa report ng Caloocan police, nagpaputok umano ng baril ang 17 anyos na si Kian sa isinagawang 'Oplan Galugad' ng mga pulis nitong Miyerkoles, Agosto 16.

Una nang inatasan ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na siyasatin ang pagkasawi ni Kian.

Nanawagan na rin ang ilan pang senador na imbestigahan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.