160 pulis, SWAT, nakabantay sa concert ni Ariana Grande

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2017 09:49 PM

Mahigpit ang seguridad ngayong Lunes, Agosto 21, sa Mall of Asia Arena para sa concert ng pop singer na si Ariana Grande.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde, nasa 160 pulis ang nakahimpil sa concert venue at may nakabantay ring SWAT team sa loob.

Pagtitiyak ito ng pulisya para hindi maulit ang nangyaring pagsabog sa concert ng international pop star noong Mayo sa Manchester, England.

Naglagay din sa concert venue ng high-tech cameras para sa "facial recognition" ng mga manonood ng concert.

Ipinakalat na rin sa lugar ang mga K9 unit para matiyak na walang maipupuslit na droga at iba pang mga kahina-hinalang bagay sa loob ng concert.

Maingat din ang concert organizers sa pagbibigay ng detalye tungkol sa pagdating sa bansa ni Ariana Grande.

Kabilang sa mga sikat na kanta ng pop singer ang "Side to Side", "Bang Bang", at "One Last Time".

Tumatak din kamakailan ang duet nila ng soul singer na si John Legend para sa soundtrack ng live movie adaptation ng "Beauty and the Beast".

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.