Sen. Poe, kinondena ang pagpaslang kay Kian

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 11:26 AM

MANILA - Ginunita ng pamilya at mga kaibigan ng yumaong Fernando Poe Jr. ang kanyang ika-78 kaarawan ngayong Linggo, kung saan kinondena din ni Sen. Grace Poe ang pagpaslang sa Grade 11 na estudyante na si Kian Delos Santos.

Nag-alay ng misa sa kanyang puntod sa North Cemetery ang kanyang pamilya sa pangunguna ni Sen. Poe at ang kanyang inang si Susan Roces.

Sa puntod ni FPJ nag-alay ng panalangin ang pamilya Poe, kasama ang asawa ng senadora na i Neil Llamanzares at anak na si Bryan.

Nagdaos ng maikling programa sa puntod kung saan nagbigay ng pahayag si Sen. Poe ukol sa mga nangyayaring patayan o extra-judicial killings.

"Sa mga sitwasyon ang importante hindi tayo mawalan ng direksyon na kung ano ba ang tama at nararapat," ayon sa senadora.

"Dapat ding alamin sinong mga pulis ang sangkot sa pagpatay sa disisyete anyos na si Kian De Los Santos na nadamay sa police drug operation sa Caloocan."

Ito ang ika-13 taon ng paggunita ng kaarawan ni FPJ mula nang pumanaw ito noong 2004.