SOCO: 16 anyos na dalaga, natagpuang patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 02:55 PM

Patay na nang natagpuan ang isang dalaga na nagpaalam lang na dadalo sa birthday party noong Pebrero 27, 2015.

Kinilala ang biktima na si Rica Mae Ordillano, 16 anyos na dalagita mula Brgy. Makawayan, Tingloy, Batangas.

Kuwento ng ama ng biktima na si Enrique Ordillano, naunang natagpuan ang kasintahan ng anak na si Jayven Apostol. Gumagapang aniya ito at duguan.

Ayon pa sa mga pulis, walang saplot na pang-ibaba si Apostol habang nakatihaya at wala nang buhay ang dalaga.

“Si Jayven, wala siyang saplot na pang-ibaba. Tapos gumagapang,” obserbasyon ni SPO3 Macrino Palma.

“Si Rica Mae naman, apat na dipa ang pagitan [nila ni Jayven]. Nakatihaya. Ang daming langgam sa bibig, dahil sa dugo ‘yon. Wala na siyang buhay.”

Salaysay pa ni Enrigue, nagtaka siya nang hindi na muling bumalik sa kanilang tahanan ang anak na si Rica Mae noong Pebrero 27, 2015.

Muli aniyang nagkita noong araw na iyon sina Ordillano at Apostol sa seawall ng Sitio Maulawin sa Brgy. Dampulan. Sa pagkakaalam ni Enrique, dadalo lang si Rica Mae sa birthday party ng kaibigan.

“Umaga na po kasi. ‘Yang bata na ‘yan, may exam sa munisipyo ng bayan. Ngayon, hinahanap namin dahil oras na ng pag-exam niya,” kuwento ni Enrique Ordillano.

Dahil sa masamang kutob, nagpursigi aniya siya sa paghahanap kasama ang ilang mga kaanak at kaibigan. Nakita naman nila si Jayven makalipas ang higit 30 minuto.

Ano nga ba ang nangyari kay Rica Mae, at sino-sino ang responsable sa krimeng ito? Sundan ang pagsisiyasat sa kasong ito sa SOCO (Scene of the Crime Operatives) ngayong Sabado, 4 p.m. sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.