'LASANG SABON': Nasa 100 estudyante, nalason umano ng shake

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 03:00 PM

Isinugod sa mga ospital sa Quezon City ang humigit-kumulang 100 estudyante ng Sta. Lucia High School sa Novaliches matapos makaranas ng ilang sintomas ng food poisoning o pagkalason. 

Nakaranas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan, at pagsusuka ang mga estudyante matapos umano silang bumili at uminom ng shake at juice mula sa kanilang school canteen. Reklamo nila, mapait at lasang sabon ang mga biniling inumin.

Pagsapit ng ala-1 ng hapon, nagsipunta na sa klinika ng paaralan ang mga estudyante.

Kinagabihan, mahigit 80 Grade 8 at Grade 9 students na ang dinala sa Novaliches District Hospital at Bernardino General Hospital, samantalang sa apat na iba pang ospital sa lungsod dinala ang iba pang mag-aaral. 

Kuwento ni Joseph Cañedo, ama ng isa sa mga bata, nanghihina na ang anak nang sunduin ito sa eskuwelahan. Nang hindi humupa ang dinaramdam ng anak, nakailang ospital pa muna bago ito ma-admit. 

"Bigla na lang bumubula iyong bibig niya tapos nahihilo, sumusuka na siya dahil daw sa shake. Tapos ngayon dinala ko iyong anak ko sa eskuwela nila, tapos ngayon nahihilo na iyong anak ko, pinatakbo ko na sa ospital," aniya.

"No'ong nandoon kami sa District, pinatagal kami tapos tinanggihan din kami sa Bernardino. Sana sinabi kaagad nang maaga. Lumipat kami sa Nova Gen, tinanggihan din kami."

Dahil dito, dinala na lamang muna ng ilang magulang sa clinic ng ospital ang kanilang anak, lalo't may mga medical equipment na ipinadala ang lokal na pamahalaan ng Quezon City. 

Hindi naman muna pinaalis ng lokal na pamahalaan ang mga gamit at sangkap sa canteen upang maimbestigahan. 

"Sa ngayon, lahat ng sangkap, pina-hold para ma-check ano talaga ang cause," ayon kay Quezon City councilor Allan Francisco. 

Limang taon na sa canteen ang mga nagtitinda, at anila ngayon lamang ito nangyari. 

"Mineral naman ang gamit namin pero nagkamali lang kasi bago pa lang ang mga tauhan," ayon sa tindera na si Marilou Tariman. 

Wala naman balak magsampa ng reklamo ang mga magulang, ngunit hiling nila na sagutin lamang ng paaralan ang gastusin sa ospital ng kanilang mga anak. 

"Nananawagan po ako sa principal, sa Sta. Lucia High School na humingi sana kami ng kaunting tulong para sa anak ko," ani Cañedo.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng eskuwelahan. 

-- Ulat nina Ernie Manio at Raya Capulong, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.