Mga pasahero, nabigla, 'naabala' sa mga saradong bus terminal

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 06:39 PM | Updated as of Aug 19 2017 12:05 AM

Nabigla ang maraming pasahero ng mga provincial bus nang wala silang nadatnang mga sasakyan sa mga terminal na ipinasara nitong Huwebes.

Ipinasara kahapon ang mga bus terminal sa kahabaan ng EDSA-Quezon City dahil sa samu’t saring mga paglabag, kabilang na ang 'nose in, nose out', at kawalan ng business permit.

Marami ang hindi alam ang isinagawang pagpapasara kaya nagulat sila na wala na ang mga terminal lalo na’t long weekend ngayon.

Bitbit ang mga bagahe, tumawid ang ilang pasahero sa gitna ng EDSA upang maghanap ng ibang masasakyan.    

Ayon kay Rene Boy Mones ng Lucena Lines, nagtataka ang mga pasahero at itinuturo na lamang nila ang mga ito sa ibang terminal.
    
Kuwento naman ng pasaherong si Albert Megreno, wala silang masakyan at abala ito dahil buong pamilya pa naman nila ang babiyahe na may kasama pang mga bata. 

Nagdoble rin aniya ang kanilang pamasahe dahil kailangan pang lumipat sa ibang terminal.

Para-paraan din ang mga tao ng mga terminal na umasiste sa mga pasahero, nagbaba at nagsakay sa EDSA kahit na labag sa closed door policy.

Hindi naman matanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sila ang napagbuntunan ng galit ng mga naabala at naantalang pasahero.

Paglilinaw ni MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia, ang Quezon City government ang nag-utos ng pagsasara ng mga terminal na pasaway dahil ilang beses na itong pinagsabihan para umayos ngunit hindi pa rin umaksiyon. 

Binanatan din ni Garcia ang isang bus company na agad nagbukas ilang minuto lang matapos isara nina MMDA Chairman Danny Lim.

Hinila ang 18 bus ng First North Luzon at arestado pa ang dalawang opisyal nito. 

Kinasuhan na ang bus company at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ang bahala sa prangkisa nito, ayon kay Garcia.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.