Ina ng Grade 11 na napatay sa Caloocan, dumating na sa bansa

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 01:31 PM

Nakauwi na sa bansa nitong Huwebes ng gabi ang ina ng 17-taong gulang na lalaking napatay matapos na manlaban umano sa mga pulis na nagsasagawa ng operasyon sa Caloocan City.

Ayon kay Saldy Delos Santos, magta-tatlong taon nang nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanyang asawa. Pero hindi nito natukoy kung saang bansa nakabase ang kanyang asawa.

"Nag-extend po siya kasi ang anak niya nagaaral pa. Buti po pinayagan siyang umuwi," sabi ni Saldy.


Si Saldy ang ama ni Kian Loyd Delos Santos, ang Grade 11 student na napatay noong Miyerkoles habang nagkasa ng Oplan Galugad ang Caloocan Police.

Gaya niya, hindi rin matanggap ng kanyang asawa ang sinapit ng anak.

"Nagsisikap siya doon para makapag-aral anak niya, wala na. Tulala na. Hindi niya matanggap," dagdag ni Saldy.

Pangatlo sa 4 na magkakapatid si Kian, ayon sa kanyang ama.


Nanindigan naman si Saldy na walang kinalaman sa droga ang kanyang anak na kilala ng kanilang mga kapitbahay bilang isang mabait na bata.

Hindi rin niya matanggap ang ulat ng pulisya na nanlaban ang kanyang anak na kita naman umano sa CCTV ng barangay na binitbit ng dalawang naka-sibilyang pulis. Isa pang pulis ang nakasunod sa kanila.

Sa spot report, may nakuha kalibre .45 na baril, apat na basyo ng bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu mula sa binatilyo.

"Naka-shorts na pantulog, yung manipis, halos nalalaglag na kasi wala pong garter tapos sinasabi nila may 45 anak ko. Saan niya isusukbit yun eh yung shorts niya po halos malalaglag na wala ng garter," tanong ng kanyang ama.

Sabi pa niya, pinipilit ng mga pulis ang kanyang anak na magturo ng mga bahay na may droga.

Nasa kabilang bahay nila sa Valenzuela si Saldy nang maganap ang insidente. Bangkay na nang datnan niya ang kanyang anak.

"Nakita ko na lang anak ko nakalugmok sa tabing ilog po. May 45, nanlaban daw po samantalang nakita namin yung kamera ng barangay bitbit ang anak ko. Paano nakipagbarilan sa kanila anak ko? Bitbit nila, ang liit-liit ng bata, ang lalaki ng pulis," ayon kay Saldy.

Bukod sa CCTV ng barangay, may mga saksi din na taliwas ang kuwento sa report ng mga pulis.

"Humihingi kami ng tulong sa inyo. Kawawa naman po yung anak ko. Yun na lang pangako ko sa kanya.

Handa din na magsampa ng pormal na reklamo ang pamilya laban sa mga pulis na kasama sa operasyon.

"Kung matalo man kami, at least, inilaban ko anak ko. Sinasabi ko sa kanya pinaglaban ko siya," panghuli ni Saldy. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.