Binatilyong naka-headset, patay matapos masagasaan ng tren

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 07:22 PM | Updated as of Aug 18 2017 11:19 PM

Patay ang isang binatilyo matapos masagasaan ng tren sa Vito Cruz, Maynila nitong Biyernes.

Agad na ikinamatay ni Joseph Monar, Grade 10 sa San Antonio National High School ang pagkakabundol sa kaniya ng tren, ayon kay Joseline Geronimo, operations chief ng Philippine National Railways (PNR).

Ayon kay Geronimo, bumaba sa riles ang bata at nakatingin umano sa southbound na tren. Ngunit hindi nito nakita na may paparating na northbound na tren at maaaring hindi nito narinig dahil nakasuot umano ito ng headset.

"Nagsigawan po sila kasi ‘yung bata po sa kasamaang palad ay naka-headset. Nakita niya ho ang train, nakatingin ho siya sa train eh, siguro ho dahil nakababa na ‘yung barera akala niya tren na southbound ang paparating. Eh meron pang isa eh, northbound," ani Geronimo.

"Akala niya safe na siya kasi nakikita niya ‘yung tren paparating dun sa southbound tracks," dagdag niya.

Ayon kay Geronimo, makakatanggap ng tulong pinansyal ang pamilya ni Monar.

"Meron po kaming tulong pinansyal kahit naman ho papaano. Kahit naman po ay ‘yan ay third party accident," aniya.

Nakatira lamang umano ang bata sa Espiritu Street, ilang metro lamang ang layo sa istasyon ng Vito Cruz.

Dagdag ni Geronimo, kahit umano mag-preno ang tren ay aabutin pa rin nito ang bata.

"Meron po tayong breaking distance, kahit ano po ang preno nyan 10 to 20 meters aabutin pa rin po talaga," aniya.

Balik normal na ang biyahe ng tren ayon sa PNR.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.