3 dawit sa pangingidnap ng mga Indian, patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 11:47 PM

Patay ang tatlong miyembro umano ng grupong sinasabing responsable sa mga kaso ng 'kidnap for ransom' sa mga Indian matapos maka-engkuwentro ng pulisya sa Biñan, Laguna nitong Miyerkoles. 

Kinilala ang mga napatay na sina Inderjit Singh, sinasabing lider ng grupo, Rashper Singh, at Ferdinand Reyes. 

Nailigtas naman sa operasyon ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang Indian na si Anial Sohal.

Kuwento ni Sohal, nasa safe house siya nang dumating ang mga tao, inalis ang piring niya, at sinabing na-rescue na siya at pulis sila.
    
Lubos ding nagpapasalamat si Sohal sa pagkaka-rescue sa kanya.

Kita naman sa CCTV ang paglabas sa sasakyan ng mga kidnapper na bumulagta. Giit ng PNP-AKG, nagkaroon ng putukan nang makatunog ang mga kidnapper.

Ayon sa director ng PNP-AKG na si Senior Supt. Glenn Dumlao, “running gun battle” ang nangyari. Nag-U-turn umano ang sasakyan nang nabigay na ng pamilya ang pera at humarurot sila kaya sinundan ng pulisya.

Dagdag pa niya, hindi nila kontrolado ang sitwasyon sa lugar dahil tanghaling tapat at maraming tao at mga sasakyan na puwedeng tamaan.

Ipinakita naman ng pamilya ang buong P930,000 na ipambabayad sanang ransom.

Anila, ibang bag ang naibigay nila na ang laman ay barya buhat sa pautang, dahil sa kalituhan.

Ayon sa AKG, ang grupo ni Inderjit Singh ang nambibiktima ng mga Indian sa Las Piñas, Laguna, at Cavite.

Dalawa pang miyembro ng kidnap-for-ransom group ang tinutugis ngayon ng awtoridad.    

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.