Death anniversary ni Jesse Robredo, ginunita sa Naga

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2016 03:25 PM

MANILA -- Inalala ng mga kababayan ni yumaong Interior Secretary Jesse Robredo sa Naga, City ang kanyang ika-apat na death annivesary ngayong Huwebes, sa pamamagitan ng "Tsinelas Walk" at isang Misa.

Hindi nawala sa okasyon ang biyuda ng kalihim na si Vice President Leni Robredo, na umuwi sa probinsya sakay ng bus, tulad ng kanyang nakagawian.

Pinangunahan ng Pangalawang Pangulo ang limang-kilometrong "tsinelas walk" bilang pagpupugay sa asawang kilala sa pagsusuot ng tsinelas at pakikiisa sa mga mahihirap.

Iba't ibang sektor ang dumalo sa martsa na mula sa Plaza Quezon paputungo sa harap ng puntod ni Jesse, kung saan idinaos ang isang Misa at wreath-laying ceremony.

Nag-organisa rin ang lokal na pamahalaan ng essay-writing at poster-making contests at photo exhibit tungkol sa namayapang kalihim.

Matapos ang misa, dumalo si VP Robredo sa turnover ceremony ng gusaling ipinatayo ng isang foundation para sa Severo National High School sa bayan ng Calabanga. Dumalo rin siya sa graduation ng alternative learning system at foundation day ng Antipolo High School sa Tinambac.

Nakipag-dayalogo rin siya sa iba't ibang sektor na malapit sa kanya at sa asawa, tulad ng mga maralitang taga-lungsod.

Hindi nakauwi sa Naga ang tatlong anak ng mga Robredo, na sa halip ay dadalo sa Misa na inihanda ng Jesse M. Robredo Foundation sa San Juan City ngayong gabi.

Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang death anniversary ni Sec. Robredo bilang special non-working holiday sa Naga City.

Nasawi si Sec. Robredo ng bumagsak ang sinasakyang eroplano sa dagat sa bahagi ng Masbate noong Agosto 18, 2012.

-- Ulat nina Jonathan Magistrado at Kate Delovieres, ABS-CBN News