Biglaang pagpapasara ng MMDA Workers' Inn, inalmahan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 03:09 PM | Updated as of Aug 18 2017 12:07 AM

(UPDATED) Nagkatensyon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Workers Inn o Gwapotel sa Bonifacio Drive, Maynila matapos puwersahan umanong palabasin at paalisin ang mga nanunuluyan at mga concessionaire doon. 

Ngayong umaga, nabigla na lamang sila nang isara ng mga security guard ang inn at ipaskil ang notice na sarado na ito dahil sa safety precaution.

Umalma ang mga naninirahan dito lalo’t ito lamang ang murang matitirahan.

“Matagal na kami dito. Extension lang sa gubyerno para manatili at magkaisa kami rito. Para kaming ginawang hayop. Ginawa kaming hayop na inilabas na wala man lang rason kung bakit kami narito,” pahayag ni Donel Quebec, isang tenant sa inn.

Giit din ng mga may ari ng mga tindahan na ang notice na ibinigay sa kanila ay sa Agosto 31 pa kaya nagulat sila sa biglaang pagpapasara ng MMDA Workers Inn.

“Nananawagan po kami sa ating mahal na Pangulong Duterte, lalo na wala po kaming kinalaman sa kung anuman ang alitan between two government agencies--sa MMDA o sa Napocor, labas po kami dito. Kami po ay nagbabayad ng tama,” sabi naman ng isa pang tenant na si Jeff Tomon.

Para kay Reyna Heriales, inaalala nito ang kanilang hanapbuhay bilang tenant at maging ang kahihinatnan ng kanilang mga trabahador.

“Nangungupahan kami. May tao kami. Kargo namin yun tao namin. Sila may pagsasalpakan ng mga trabahador nila. Kami saan namin isasalpak kung yan lang ang hanapbuhay namin? Magkaroon lang ng extension hindi nila magawa!” sabi ni Heriales.

Paliwanag naman ni MMDA Spokesperson Celine Pialago, mula kay Chairman Danny Lim ang utos na ipasara ang Workers' Inn dahil bagsak sa fire safety standards ang gusali. Kailangan muna umano itong i-rehabilitate.

Taong 2007 nang itayo ang Gwapotel para may murang matuluyan ang mga naghahanap ng trabaho na lumuluwas sa Maynila.

P50 kada 12-oras sa regular room at P100 sa VIP room ang bayad dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.