Bata, lapnos ang mukha, hinihinalang pinatay ng yaya

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 07:59 PM | Updated as of Aug 17 2017 11:34 PM

Nagluluksa ang pamilya Cruz matapos madiskubreng patay na ang isang taong gulang na si John nitong Miyerkoles, Agosto 16.

Kuwento ng pamilya, iniwan ang bata ng kaniyang yaya. Nagulat din anila sila nang hindi na umimik si John nang lalaruin sana ng kaanak.

Dagdag pa ng tiyuhin ng bata na si Emil, hindi niya na makilala ang bata dahil napaso ang bibig nito hanggang sa mukha at namamaga pa ang katawan ng musmos.

Dinala sa ospital ang bata, pero hindi na siya naisalba. 

Ipina-autopsy naman ng National Bureau of Investigation ang bata at lumalabas na asphyxiation o kawalan ng hangin ang ikinamatay ng paslit.

Nalapnos din ang mukha hanggang leeg at tainga ng bata. May mga bukol sa ulo nito, at may mga marka sa kaniyang tiyan at binti na hinihinalang itinali. 

Suspek ng pamilya ang yaya ng bata na si Madel. Kuwento pa ni Emil, hinanap nila ang yaya pero tinakbuhan na raw sila ng suspek.

Ayon sa ina ng bata, mag-iisang taon na sa kanilang pamilya si Madel. Kinupkop nila ang yaya nang humingi ng trabaho at tirahan. 

Hindi naman nila inakalang magagawa niya ito sa bata lalo’t siya na ang nag-aalaga kay John mula noong tatlong buwan pa lang ito.

Single mother ang ina ni John na si Lia, at sa gabi, may trabaho kaya kinailangan niya ng yayang mag-aalaga sa anak. 

Nagsisisi naman siya na hindi niya lubos na nakilala ang yaya bago niya tinanggap.

Balak ngayon ng pamilya na magsampa ng kasong murder laban kay Madel. 

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.