3 patay, 2 sugatan sa banggaan ng tricycle, 10-wheeler sa Albay

Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 02:47 AM

Patay ang tatlong sakay ng isang tricycle matapos itong mabangga ng isang 10-wheeler truck sa bayan ng Polangui, Albay.

Dalawa naman ang nasa ospital pa rin.

Dalawa sa namatay ang mag-asawang sina Rodrigo at Amelia Amparado.

Si Rodrigo ang driver ng tricycle na maghahatid lang sana sa kanyang asawa at iba pang nagtitinda sa palengke ng Polangui mula bayan ng Libon.

Ayon sa driver ng 10-wheeler truck, may nasiraang trailer truck na iniwasan niyang mabangga.

Sakto namang paparating na ang tricycle at sila naman ang nagsalpukan.

Ayon sa Highway Patrol Group-Polangui, may pagkukulang din sa parte ng nasiraang trailer truck dahil dapat may pahinanteng nagbabantay dito.

Hindi umano magsasampa ng kaso ang pamilya ng mga nabiktima.
Ang gusto lang nila ay sagutin ng driver o may-ari ng nakabanggang truck ang gastusin at magbigay ng tulong para sa mga naiwang pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.