27 dalagita nasagip sa bar sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 08:42 AM

4 'bugaw' kalaboso 

MANILA - Nasagip ng pulisya ang 27 menor de edad mula sa 2 KTV bar sa Tondo, Maynila Miyerkoles ng gabi. 

Sinalakay ng police Anti-Human Trafficking Division ang mga naturang lugar dahil sa impormasyong sangkot ang mga ito sa flesh trade. 

Ayon sa isang foreign body, ibinibenta umano rito ang mga babae sa mga parokyanong dayuhan o negosyanteng Pilipino sa halagang P2,000 hanggang P3,000. Umaabot umano ang presyuhan sa P40,000 kung mas bata ang biktima. 

Nakumpirma ng pulisya ang impormasyon sa pamamagitan ng surveillance at entrapment operation, ani Senior Supt. Villamor Tuliao, hepe ng police Women's and Children Protection Center. 

Nailigtas ang 15 kabataan mula sa KTV bar sa Juan Luna Street habang nasagip ang 12 pang dalagita sa Road 10. 

Naaresto naman ang 4 na babaeng nagbubugaw umano sa mga kabataan. 

Inamin ng mga ito ang kanilang ilegal na gawain. 

Isinalang sa medical examination ang mga biktimang idadaan din sa counseling upang maihanda sa pagbabagong buhay. 

Inihahanda naman ang isasampang kasong human trafficking laban sa mga bugaw. Ulat ni Francis Faulve, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.