MRT-3 trains dapat ligtas, technically reliable bago i-biyahe: Chavez

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 11:28 AM

Pinulong na ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga engineers ng MRT-3 upang tukuyin kung ano ang naging sanhi sa patuloy na aberya sa tren.

Sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga, ipinaliwanag ni Undersecretary for Rails Cesar Chavez na may mga key performance indicators na dapat na matamo muna ng maintenance service provider bago payagang makabiyahe.

"Ang instruction natin ay i-implement na nila kung ano yung memo ko noong October 18 at subsequently reiterated to General Manager [Rodolfo] Garcia sometime in February na walang iaakyat na train set hangga't hindi sine-certify ng maintenance service provider na safely and technically reliable pagdating sa revenue line," aniya.

"Sa tingin namin, ipinipilit nilang iakyat yung 20 (train sets) na yan para hindi ma-penalize kahit sa tingin namin hindi reliable," dagdag niya.

Ang Busan Universal Rail Inc, ang maintenance provider ng MRT Line 3 na bumibiyahe sa kabahaan ng EDSA mula Quezon City hanggang Pasay City.

"Starting tomorrow, walang tatanggapin ang transport department division ng MRT hangga't hindi lumalagda ang yard master na tauhan ng maintenance service provider na yung train na itu-turnover nila sa transpo division para patakbuhin sa revenue line ay technically safe and operationally reliable," sabi ni Chavez.

Sa loob ng dalawang araw simula Lunes, maraming pasahero ang naabala matapos ilang beses na nagka-aberya ang MRT-3.

"Humihingi kami ng paumahin sa nangyari kahapon, 4 na ulit nasira at nung Lunes talagang tumirik at nagka half line," sabi ni Chavez.

Isinalarawan ni Chavez na ang pinakagitna ng train set No. 40, o yung nagdudugtong sa mga bagon, ang nagkaproblema noong Lunes.

"Parang pinagdikit na dalawang kudkuran, may mga pin na magkadugtong para yung daloy ng power ay tuloy-tuloy...may dalawang pin ang depressed, nakalubog and therefore walang contact," sabi niya.

Posibleng dahilan umano nito ay ang spring na sira o hindi nalagyan ng maayos na langis.

"Dahil nawalan ng contact yung dalawang yun, nawalan ng power. Dahil nawalan ng power, tumirik nga," sabi niya.

Tuloy-tuloy umano ang maayos na biyahe ng train set no. 40 simula pa noong Agosto 11. Pero dagdag niya, ang mga tren ay kanila ding pinagpapalit-palit ilang araw matapos ang biyahe.

Mayroon din maintenance service protocol na dapat sundin kung saan may mga panahon na dapat ibaba ang tren upang suriin kung nasa ayos pa ang mga pin nito.

Dahil dito, pinakiusapan na ni Chavez ang undersecretary for legal at assistant secretary for procurement na i-require ang maintenance service provider na bigyan sila ng kopya ng mga spare parts na kanilang na-procure na at inaasahang dadating na piyesa.

"It all boils down to maintenance and spare parts and technical capability. Ang importante sa amin, ipakita lang ng maintenance service provider na nire-require namin ngayon na meron bang darating na piyesa para tugunan ang mga problemang ito. So far, hindi pa tayo nakakakuha ng kumpletong report mula sa kanila," dagdag ni Chavez.

Samantala, ibinalita din ni Chavez na noong nakaraang buwan pa niya pinirmahan ang position paper na dapat i-terminate na ang service contract ng Busan.

"Nakikipag-coordinate na po tayo sa office of the undersecretary for legal para sa kanilang desisyon kung tama ba ang direksiyon, kung may basehan yung mga binabanggit natin at kung ano ang kanilang advice sa atin," sabi niya.

Sakaling paboran ang position paper, binanggit din ni Chavez ang kanilang kahandaan para dito. Sisimulan umano nila ito sa pagbuo ng maintenance transition team.

"Importante lang po dyan, based on experience, maliwanag yung compensation package, maliwanag yung transition period, yung protocol," aniya.

Dapat din umano na makapag-bid agad sa loob ng tatlong buwan ng susunod na maintenance provider.

Bukod dito, may mga ongoing proposals din na dumadating sa kanila para maresolba ang problema sa MRT-3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.