Mga tsuper, operator ng Uber, umaaray sa suspensiyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 09:52 PM | Updated as of Aug 17 2017 12:09 AM

Masama ang loob ng ilang Uber drivers at operators sa transport network company dahil lubhang apektado ngayon ang kanilang mga kabuhayan.

Umaapela rin sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag silang parusahan ng isang buwan dahil hindi sila handa.

Pinatawan ng LTFRB ang Uber ng isang buwang suspensiyon matapos nitong muling labagin ang utos ng transport regulatory body na itigil muna ang pagtanggap ng bagong TNVS.

Isa sa mga apektado ng suspensiyon ng Uber si Allen Bayron, dating call center agent na nag-resign matapos makita ang bentahe ng Uber.

Nanay niya ang operator kaya malinis na P15,000 kada buwan ang kita. Pero ngayon, ni panggasolina aniya ay wala siya dahil hindi makabiyahe.

Hinanakit pa ni Bayron, biglaan ang pangyayari at hindi sila nakapaghanda.

Sumugal din sa Uber ang mag-asawang sina Cherry Ann at Noel Pabra ngunit imbes na guminhawa, sakit sa ulo anila ngayon ang monthly amortization ng inutang na kotse sa bangko.

Hindi rin mapigilan ng mag-asawang Pabra na maghinanakit sa Uber na anila'y sinandalan nila pero hindi maayos ang naging sistema.

“Kung alam lang namin na magkaganito, ma’am, hindi na kami sumugal dito. Hindi na kami nangutang,” ani Noel Pabra. 

Apela ng mga driver at operator, maigsian sana ang isang buwang suspensiyon na pinataw ng LTFRB.

Gumagawa na lang sila ngayon ng paraan upang magkaroon kahit papaano ng kita.

Hindi nagbigay ng detalye ang Uber management nang humarap sa media pero sinabi naman ni Senador Grace Poe na tiniyak sa kanila ng kompanya na aayudahan nila ang mga apektadong tsuper.

Pamunuan ng Uber, humingi ng dispensa sa LTFRB

Lumapit naman sa chairman ng LTFRB ang isa sa pinakamatataas na opisyal ng Uber bago magsimula ang pulong na ipinatawag ni Senador Poe.

Lumipad pa mula Singapore papuntang Maynila kagabi si Uber Southeast Asia Regional Manager Michael Brown para tumulong maresolba ang tensiyon sa pagitan ng Uber at LTFRB.

"Anything you need from us, we're gonna do it. If there's been a misunderstanding in the past, that's on us and I apologize for that misunderstanding," ani Brown.

"This is not a fight. We're trying to work together here to address public transportation issues," sagot naman ni LTFRB chairman Martin Delgra III. 

Paliwanag ni Brown, nagkaroon lang ng maling interpretasyon ang Uber sa regulasyon pero nirerespeto nito ang awtoridad ng LTFRB.

Sa closed door meeting naman sa Senado, umapela si Poe at ang ilang senador sa LTFRB na paikliin ang isang buwang suspensiyon ng Uber para hindi naman maaberya ang commuters sa pagdisiplina sa Uber, at kung puwede ay taasan na lang ang multa.

Pero hindi pa nagbigay ng sagot ang LTFRB sa apelang ito.

Ayon sa proseso, kailangan pang mag-file ng pleading ang Uber sa LTFRB para hilingin na paikliin ang suspensiyon at ipahayag na bukas sila na magbayad ng mas malaking multa. 

Sa ngayon, habang wala pang pleading ang Uber at wala pang desisyon ang LTFRB rito kaya tuloy pa rin ang suspensiyon ng nasabing transport network company.

Pero tiniyak ng opisyal ng Uber na paiigtingin nila ang kooperasyon sa transport regulatory body para na rin sa kapakanan ng commuters.

-- Ulat nina Doris Bigornia at Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.